Daughters of Saint Paul

HULYO 18, 2020 – SABADO SA IKA-15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO : Mt 12:14 –21

Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Jesus. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Seminarian Braindel Rene Cabanog ng Diocese of Paranaque ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Para maging successful daw sa buhay, kailangan nating tuparin at manatili sa mga nagawa nating plano. Mahirap kasi kapag papalit-palit, wala tayong mararating. Plano ng Diyos na iligtas tayo, pero hindi ganun kadali. Bahagi ng misyon ni Jesus ang pumunta ng Jerusalem, kung saan siya ay mamamatay. Narinig natin sa ating Ebanghelyo ngayon na, umalis si Jesus nung nalaman nyang may balak ang mga Pharisees na patayin siya. Pwede nating isipin na baka nag-iba siya ng plano. Hindi! Hindi pumatol si Jesus sa nais ng mga Pharisees dahil may tamang panahon para siya ay mamatay. Nanatili siya sa plano ng kanyang Ama. Mga kapatid, pag tayo ay nagii-stick sa ating plano, merong tayong dalawang reaksyon: una ay ang maging sarado. Sarado ang isip kasi dapat masunod ang plano natin, kahit anong mangyari. Para sa pamilya. Para sa mga mahal natin sa buhay. Ang isa namang reaksyon ay ang sumuko. Hindi ito yung pag-abandona sa nauna nating plano. Tinuturuan tayo ng Ebanghelyo ngayon na ang pagsuko ay ang pagiging bukas sa plano ng Diyos. Sa ganitong paraan, mapapagtanto natin na nabubuhay din tayo para sa Diyos na pinaglilingkuran natin. Ipinakita din ito sa atin ni Mama Mary nang isuko nya ang sarili sa plano ng Diyos. Wag tayong mabahala kung, along the way, ay iniiba ng Diyos ang plano natin. Maging bukas. Matutong sumuko, at makikita natin ang mas maganda nyang plano sa atin, sa ating pamilya, at sa mga mahal natin sa buhay. Amen.