Daughters of Saint Paul

OCTOBER 30, 2020 – BIYERNES SA IKA-30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 14:1-6

Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila s’ya. Nasa harap n’ya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi n’ya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad n’yo itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Marami sa atin ang may karamdaman. May iba’t-ibang uri ng karamdaman, pisikal, emosyonal, espiritwal. At lahat tayo, nagnanais na gumaling sa ating karamdaman. Narinig natin sa ebanghelyo, na pinagaling ni Hesus ang isang lalaking namamanas. Totoo po, si Hesus lamang ang may kapangyarihang magpagaling. Pero hindi ito ang nais na ipahayag ni Hesus, sa kanyang pagpapagaling. Ang nais Niyang bigyang-diin, ang paggawa ng mabuti sa Sabat. Ang Sabat ay holy o banal, para sa mga Hudyo, at bawal sa kanila ang gumawa ng anuman sa araw na ito. Sa pagpapagaling sa maysakit, nais ipadama ni Hesus sa mga Pariseo, na ang Kanyang layunin ay matulungan ang mga nagdurusa. Nais ng Diyos na maligtas ang lahat. Kaya matapos pagalingin ang maysakit, nagtanong si Hesus sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya iniaahon, kahit na araw ng Pahinga? Hindi sila nakasagot.” Mga kapatid, tayo rin, kung nasa panganib ang ating mga mahal sa buhay, di ba natural lamang na sumaklolo tayo sa kanila? Pero kung minsan, nag-aalangan tayong tumulong.  Mahirap tumulong sa mga taong di natin kakilala, dahil natatakot tayong masangkot, sa pangyayari.// Nais iparating ni Hesus na mas mahalaga ang kapakanan ng tao kaysa batas, maging sinuman siya, at kahit wala tayong ugnayan sa kanya. Nakararanas din ba kayo ng conflict situation, na may kaugnayan sa pagpapatupad ng isang kautusan at sa pagbibigay-halaga sa taong nangangailangan? Si Hesus ang ating gabay sa pagsasagawa ng dapat. Sundin nawa natin ang Kanyang ginawa at alalahanin natin: binigyang-halaga ni Hesus ang tao, kaysa sa batas. Amen.