Daughters of Saint Paul

Abril 13, 2024 – Sabado sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Jn 6:16-21

Lumusong ang mga alagad ni Jesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Jesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.

Pagninilay:

Mula sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kapag natatakot ka at hindi mo malaman kung ano ang gagawin, ano ang ginagawa mo? Nagtatago ka ba sa isang sulok at nagtatalukbong ng kumot? Nagpapanggap ka bang matapang at hinaharap anuman ang kinatatakutan? O tumatakbo ka ba kay Hesus upang humingi ng saklolo?  Sa ebanghelyo ngayon, naglalayag ang mga alagad, nang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. Madilim na, at nakita nilang papalapit si Hesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila. Pero sinabi ni Hesus: “Huwag kayong matakot; Ako ito!”  Natural na matakot tayo sa mga bagay na hindi natin kontrolado. Kapag nagkasakit ka ng malubha tulad ng cancer. Kapag nawalan ka ng trabaho, at ang dami mo pang mga bayarin. Kapag nagkakagulo at may sigalot sa pamilya. Kapag bigla ka na lamang tinalikuran ng kaibigan, kasintahan, o asawa, nang di mo nalalaman ang dahilan. O kapag may peste sa bukid, may bagyo’t baha, el Niño at iba pang mga kalamidad.  Kapatid, anuman ang iyong kalagayan, tandaan ang sinabi ni Hesus, “Ako ito; huwag kang matakot.” Kung nakalakad si Hesus sa tubig sa gitna ng isang bagyo, makakasama mo rin siya sa gitna ng mga napakabigat mong mga problema. Walang imposible sa Diyos na nagmamahal sa iyo. Pero hindi ito nangangahulugan na palaging babaguhin ni Hesus ang iyong kalagayan. Ibig sabihin lang, na kapag nakita mo si Hesus sa iyong bagyo, papalitan ng pananampalataya ang takot, at magkakaroon ka ng kapayapaan. 

Panalangin

Panginoon, makita ka nawa namin sa gitna ng mga unos ng buhay, at bigyan mo kami ng lakas ng loob na magtiwala at sumunod sa iyong paggabay. Amen.