Daughters of Saint Paul

ABRIL 15, 2021 – HUWEBES SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 3:31-36

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtitibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, nakalulungkot isipin na sa modernong panahon natin, mas madaling pinaniniwalaan ng tao ang Fake news: mga balitang walang basehan pero kumikiliti  sa isip at imahinasyon ng tao. At ang bilis naipapasa ang fake news! Ni hindi na inaalam ang pinagmulan, agad-agad isine-send sa lahat ng kakilala sa iba’t ibang social media platform.// Ang Panginoon, na siyang naghatid ng Good News, ay tila wala nang puwang sa buhay ng modernong sibilisasyon. Pilit nga siyang inaalis sa buhay ng tao. Mas mayaman, mas moderno ang isang bansa, mas malayo ang puso sa Panginoon.  Mayabang ang tao!   Sa isip niya, kaya niyang gawin at kontrolin ang lahat, dahil sa kanyang angking talino. Walang Diyos at hindi na niya kailangan ang Diyos!// Kapatid, kumakalat ang atheism ngayon, lalo na sa mga kabataan.  Ni hindi na nga itinuturing na politically correct ang katagang “God”…mas gusto nilang sabihing “the universe”.  Mga palalo!!! Kailan pa kaya matatauhan ang tao? Ang Diyos ay totoo!! Hindi siya dapat tanggalin sa buhay natin! // 

PANALANGIN

Panginoon, buksan mo po ang isip ng iyong mga anak, upang tanggapin at isapuso ang lahat ng iyong mga turo, dahil ito ang totoo: ikaw na Anak nang Diyos ay isinugo sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan. Sa tulong ng Banal na Espiritu, nawa’y mapasaamin ang tunay na pananampalataya na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Amen