Daughters of Saint Paul

ABRIL 16, 2021 – BIYERNES SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:1-15

Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang maraming tao ang pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon, kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master (PDDM) ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang ‘pagpaparami ng tinapay’ ang natatanging milagro ni Hesus na ating matutunghayan sa apat na ebanghelyo na nagpapahiwatig ng lubos na pagpapahalaga sa pangyayaring ito.  Iniugnay ni San Juan ang kaganapang ito sa “Eukaristiya”:  “Kinuha ni Hesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos, ay ipinamahagi sa mga tao…”  Inanyayahan ni Hesus  ang mga tao na kumuha at kumain hangga’t gusto nila.  Mga kapatid,  ang kahulugan ng Eukaristiya ay pagpapasalamat at pagbabahagi upang ang lahat ay mabuhay dahil si Hesus ang tinapay ng buhay. Sa panahon ng pandemya, marami ang kwento ng pagbabahagi at pagpaparami ng tinapay upang ang mga taong apektado ng krisis ay mabuhay.  Ibinigay ni Hesus sa ating lahat kung ano ang meron siya pati na ang kanyang sariling katawan upang tayo’y mabuhay ng lubos. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo na alalahanin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang tayo rin ay makapagpasalamat at makapagbigay sa ating kapwa. Gaano man kaliit ang ating maaaring maibahagi, bahala na ang Panginoon na ito’y padamihin dahil kung ano ang meron tayo, ay balewala kung wala rin si Hesukristo.