Daughters of Saint Paul

ABRIL 17, 2021 – SABADO SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 6:16-21

Lumusong ang mga alagad ni Jesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Jesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Emma Lusterio ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, “Ikaw ba ay may takot at may mga pangamba sa buhay mo ngayon?”    Maaaring bawat isa sa atin ay katulad din ng mga alagad ni Kristo na para bagang hindi natin nararamdaman ang kanyang presensya, lalo’t higit sa panahon ng “Pandemya” na ating kinakaharap araw-araw.  May mga nawalan ng pag-asa dahil sunod-sunod ang mga kalamidad, problema sa relasyon at pamilya, nawalan ng trabaho at maging sa karamdaman, at higit sa lahat balisang-balisa tayo sa mga nangyayari sa ating kapaligiran at maging sa buong mundo.//  “Naalala ko noong sinabi sa akin ng aming superiora na ililipat ako sa ibang bansa, punong-puno din ako ng takot at pangamba”  pero sa bandang huli ipinagkaloob ko sa Diyos ang lahat kong mga agam-agam sa buhay.//  Mga kapatid, si Kristo ay muling nabuhay para sa ating lahat!   Huwag tayong Matakot! Sa halip, patuluyin natin Sya sa ating puso’t isipan at magtiwala sa kanya. Sinasamahan Nya tayo sa ating mga “kabiguan, kahihiyan at kalungkutan”.// Nawa, sa ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Kristo masasambit natin nang may kagalakan, “Nakita ko si Kristong, Muling Nabuhay!”   sa kabila ng mga pagsubok at paghihinagpis natin sa buhay.// Nais kong tapusin ang pagbabahaging ito sa pamamagitan ng mga linya ng kantang gustong-gusto ko na inawit ng  “Bukas Palad” na nais kong ibahagi din sa inyo.  Ako ang Panginoon mo at Diyos Tapagligtas mo at Tagatubos.  “Huwag kang mangamba, ‘di ka nag-iisa, sasamahan kita, saan man magpunta, Ika’y mahalaga sa’king mga mata, Minamahal kita, minamahal kita!”  Amen.