Ebanghelyo: Jn 6:22-29
Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Jesus sa bangkang ito kasama ng kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon. Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Jesus ni ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?” Nagsalita sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at kayo ay nabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”
Pagninilay:
Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong araw, uso sa amin ang nagdedeliver ng tinapay. Potpot lang ang tunog, lalabas na kami ng bahay para bumili ng tinapay na pang-almusal. Mainit-init pa. Isinasawsaw pa namin sa piniritong malasadong itlog. Busog-sarap ka nga, pero nauubos din, lumilipas. Hindi na rin aabot pa ng bukas. Sa Mabuting Balita, dumating ang ating Hesus Maestro hindi lang para pumotpot at magdeliver ng tinapay at paramihin ito kundi para maging Tinapay. Ano’ng sabi Niya? Gumawa kayo, upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira, at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Take note. Gumawa ang sinabi Niya. Ibig sabihin, may partisipasyon tayo. Sa Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon, Siya na ang Tinapay na hindi nasisira. At dahil nasa atin na Siya, binibigyan Niya tayo ng misyon, na maging saksi ng Kanyang Muling Pagkabuhay. To be bread for others. Tulad sa pakikiramay sa dinaranas na hirap ng ating kapwa, sa pagpapatawad kahit isandaang sugat na ang natamo, hindi naghihiganti, sa pagbibigay ng pagkain at ikabubuhay ng mga maralita na hindi naghihintay ng kapalit, sa mga gumagabay sa mga kabataan at umaakay sa mga nakakatanda. Ang mga ito ang hindi lumilipas, dahil ang nakatatanggap nito, may ngiti at napapanatag ang kalooban. O, tayo na, at maging buhay na tinapay!