Gawa 3:11-26 – Slm 8 – Lk 24:35-48
Lk 24:35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay.
Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.)
Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.”
At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, habang nakikinig ang mga alagad sa salaysay ng kanilang mga kasama tungkol sa karanasan ng mga ito sa daan patungong Emmaus, nagpakita si Jesus sa kanila. Nagulat sila at natakot, at nag-akalang nakakita sila ng isang multo. Pinayapa ni Jesus ang kanilang pagkatakot at inutusan silang hipuin ang Kanyang mga kamay at paa. May kagalakang natuklasan ang mga alagad na totoo ngang si Jesus ang nakatayo sa kanilang harapan. Noon lamang sila naniwala. Hinikayat sila ni Jesus na magpatotoo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. Mga kapatid, ang panawagan ni Jesus na magpatotoo, hindi lamang para sa Labing-isa o sa mga lalaki at babaeng nakarinig na nagsalita ang Panginoon, at nakakita sa mga himalang Kanyang ginawa. Panawagan ito sa lahat ng mananampalataya sa lahat ng panahon. Sa Muling Pagkabuhay mula sa mga patay, ibinalik sa atin ni Jesus ang maluwalhating buhay na nawala, nang magkasala ang ating unang mga magulang. Kaya ngayon, hinahamon tayo ng Panginoon na magpatotoo sa Muling Pagkabuhay at sa Mabuting Balita ng Kaligtasan sa pamamagitan ng ating buhay. Kapatid, ano ang tugon mo sa panawagang ito?