Daughters of Saint Paul

Abril 26, 2017 MIYERKULES sa Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay / San Pascacio Radberto

 

Gawa 5:17-26 – Slm 34  – Jn 3:16-21

Jn 3:16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo:  “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniwala sa kanya; magkaroon nga siya ng buhay na walang hanggan.

            “Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.

            “Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag pero higit pang minahal ng tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, magandang pagtuunang pansin na gabi nang lumapit si Nicodemo kay Jesus.  Ang gabi sumasagisag nang espiritwal na kadiliman kaya hinanap ni Nicodemo si Jesus para paliwanagan siya.  Kaya sa ebanghelyo ngayon, patuloy ang pagtuturo ni Jesus kay Nicodemo at sa atin din kung ano ang kaibahan ng buhay na may pananampalataya at walang pananampalataya.  Napakalaki ng kaibahan sa pagitan ng pamumuhay sa liwanag at sa kadiliman.  Wala sa kaisipan ng Diyos na hatulan ang mundo at panatilihin ito sa kadiliman.  Hindi Niya ipinadala ang Kanyang bugtong na Anak para hatulan ang mundo kundi iligtas ito at dalhin sa liwanag.  Mga kapatid, kung mauunawaan lang sana natin ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, wala na sigurong gagawa pa ng masama dahil sa malaking hiya.  Hindi lang mahalaga ang Kanyang isinakripisyo para sa tao.  Inihandog Niya para sa kaligtasan ng tao ang “pinakamahalaga” at labis na minamahal Niyang Anak.  Walang kakayahan ang tao para tubusin ang kanyang sarili mula sa pagkakasangla niya sa kasalanan at iyon ang katotohanan.  Hindi kayang pagbayaran ng tao ang kanyang pagkakautang kung kaya’t dahil sa pagmamahal ng Diyos sa mundo, Siya na itong pinagkautangan, Siya pa rin ang sumagot sa pantubos o pambayad.  Sa makamundong pamantayan at kaisipan, malaki itong “kabaliwan.”  Pero ganyan ang pagmamahal ng Diyos.  Ang kahangalan sa mata ng tao, “karunungan” naman sa mata ng Diyos.