Daughters of Saint Paul

Abril 27, 2017 Huwebes sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / Santa Zita

 

Gawa 5:27-33 – Slm 34 – Jn 3:31-36

Jn 3:31-36

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtitibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos.

Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos ang mga Salita ng Diyos, sapagkat walang sukat na binibigyan siya ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kung mapapansin ninyo sa mga pagbasa sa Linggong ito, patuloy nating pinagninilayan ang pakikipag-usap ni Nicodemo kay Jesus.  Tinuruan ni Jesus si Nicodemo ng malalalim na katotohanan tungkol sa Diyos dahil siya’y isang gurong nakapag-aral na nangangailangan ng paliwanag nang mas higit pa sa talinhaga at kuwento. Ipinaliwanag ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon ang kaibahan ng pamumuhay mula sa itaas at ang pamumuhay ng makalupa.  Sa pang-araw araw nating buhay, sa sobrang pagkaabala at pagkabalisa natin sa maraming bagay – kadalasan nagiging makitid at makalupa lamang ang ating pananaw.  Namumuhay tayong parang ito nang buhay natin sa lupa ang kaganapan ng buhay.  Kaya halos magkandakuba na sa pagtatrabaho ang marami sa atin umani lamang ng tagumpay, parangal, posisyon sa lipunan, makalupang yaman, ari-arian at maalwang buhay.  Ni wala ng panahon para sa Diyos at makipag-bonding sa pamilya.  Ang iba naman nagsasamantala pa sa tungkulin, nangungurakot at sangkot sa kung anu-ano pang katiwalian at krimen magkamit lamang ng yaman.   Sila ang mga taong puro makalupang bagay lamang ang pinahahalagahan.  Mga bagay na hindi naman madadala sa oras ng kamatayan.  Mga kapatid, nais ng Panginoong lawakan natin ang ating pananaw. Tumingala sa langit at asaming makarating doon at makapiling ang Diyos, matapos ang maikling buhay natin dito sa lupa.  Nais ng Panginoong Jesus na maitaas Niya tayong katulad Niya.  Mula sa langit pumanaog Siya sa lupa, nagkatawang tao upang maipagkaisa Niya tayo sa Ama.  Tunay ngang may buhay na walang hanggan ang naniniwala sa Anak.  Manalangin tayo.  Panginoon, lawakan Mo po ang aking pananaw na makita ang tunay na mahalaga dito sa mundo.  Akayin Mo po ako sa landas na banal at kasiya-siya.  Amen.