Isang mapagpalang araw ng Biyernes mga kapatid/ kapanalig! Purihin natin ang Diyos sa pagkakaloob sa atin ng pagkakataong mapakinggan ang Kanyang Salitang nagbibigay sa atin ng gabay at inspirasyon sa araw-araw. Ipanalangin natin na maging handa tayong maging instrumento ng Kanyang kapayapaan at biyaya lalo na sa higit na nangangailangan. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan ang puso at diwa sa Mabuting Balita ngayon.
Ebanghelyo: Juan 6: 1-15
Nagpunta si Jesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Kaya pagkatingala ni Jesus, nakita niyang maraming tao ang pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Madamo sa lugar na iyon, kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Jesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Jesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Jesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin.
Pagninilay:
Bigyan nating pansin ang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Siya ang kabataan na naging buhay para sa marami. Tawagin natin siyang Jayson. Malamang kasama niya ang parents niya sa pakikinig kay Jesus. Pero siya ang may dala ng pagkain na ipinagkatiwala nila sa kanya. Nakakatuwa na responsible niyang iningatan ang kanilang baon. Pero, may pihit na naganap. Kailangang i-let go niya ang security nilang mag-anak. Malaking bagay iyon sa kanila para may makain sila. Magsisilbi itong lakas kapag nanghina sila sa gutom. Naimagine ko ang kahanga-hangang encounter ni Jesus at ni Jayson. Hindi ito binanggit ni San Juan pero malamang, si Jayson, may nakitang kislap sa mata ni Jesus at pagmamahal sa Kanyang ngiti. Nang lumingon si Jayson sa kanyang mga magulang at sa makapal na tao, maaaring sinabi niya nang may tiwala kay Jesus. “Take this po, O. Limang tinapay at dalawang isda. Kung ano po ang mas mainam, gawin n’yo po para makakain ang lahat.” Malamang din, binuhat muna siya ni Jesus, niyakap nang mahigpit at pinugpog ng halik. The rest is history. Nakakain ang lahat. Nabigyang-buhay ang lahat. Ganito ang ibig ipakahulugan ni Pope Francis sa kanyang Payong Apostoliko para sa mga kabataan at sa buong Simbahan. Ito ang “Christus Vivit o Buhay si Kristo! Sinabi ng banal na papa na ang mga kabataan ay ang kasalukyan na tumutulong para sa pagpapayaman ng ating Simbahan. At sa buong Simbahan, masaya naman niyang sinabi: “The Church is ever young.” Ang Simbahan ay kabataan magpakailanman. Tulad ni Jayson, bilang mga “kabataan” sa pinanampalatayanan at pinapahalagahan, ano’ng uri ng tinapay at isda ang maibabahagi natin para mabigyang-buhay ang nakararami?