Daughters of Saint Paul

Abril 3, 2017 LUNES sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma / San Ricardo

 

Dn 13:1-9, 15-17, 19-30, 33-62 – Slm 23 – Jn 8:1-11

Jn 8:1-11

Pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nagaral siya sa kanila.

            Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Jesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito sa pakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang mga ganitong babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya.

            Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa gamit ang kanyang mga daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.

            Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya'y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay natin sa araw na ito. Narinig natin sa Ebanghelyo na maaga pang nagtuturo sa templo si Jesus tungkol sa kaharian ng Diyos. Walang kaabug-abog, biglang dumating ang mga eskriba at Pariseo, dala-dala ang isang babaeng nahuli sa pakikiapid. Sa kagustuhan nilang mahuli o matiklo si Jesus, nakalimutan nila na banal ang batas at ang buhay. Alam ni Jesus kung ano ang kanilang pakay at inanyayahan niya silang tingnan ang kanilang sariling kalooban. Sumulat siya sa lupa at nagsabi: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.”  Mga kapatid, napakadaling humatol at magparatang sa iba, pero kung titingnan natin ang ating puso, makikita natin na pare-pareho tayong makasalanan. Napakaraming bagay na dapat gawin pero di naman natin ginagawa. At yun namang dapat nating talikuran ang siya nating ginagawa. Tanging si Jesus lang ang may karapatang humatol sa lahat. Pinalaya niya ang babae, hindi lang sa hatol ng kamatayan kundi sa tanikala ng kasalanan.  Panginoon, kapag iniisip naming mas mabuti kami sa aming kapwa at natutukso kaming hatulan sila, akayin mo po kami sa aming kalooban at ipakita mo ang pangangailangan namin sa iyong dakila at dalisay na pagpapatawad. Amen.