Daughters of Saint Paul

Agosto 02, 2017 MIYERKULES sa Ika-17 Linggo ng Taon / San Eusebio de Vercelli, Obispo ; San Pedro Julian Eymard, pari

Ex 34:29-35 – Slm 99 – Mt 13:44-46

Mt 13:44-46

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.

“Naihahambing din naman ang Kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.”

PAGNINILAY

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo na ibabahagi ko sa inyo.  Isang mahusay at kilalang engineer ang kaibigan ko sa Maynila. Matalino, guwapo at mabuting tao si Carlos at tinitingala siya ng mga kaibigan at mga katrabaho. Para kasing nasa kanya na ang lahat: magandang pamilya, mataas ang sweldo, mabait na kasintahan, may sariling bahay, mga latest gadgets, etc. Isang araw, hindi alam ni Carlos kung bakit siya nagpunta sa simbahan. Parang may nag-akay sa kanya pagpasok doon. Habang binabasa ng pari ang ebanghelyo ni Marko 8:36: “Ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?” Nagulat si Carlos sa narinig at nanatili siyang nananalangin. “Ano nga ba ang saysay ng lahat ng meron ako?” tanong niya sa sarili. “Is this all there is to life?”  Isang taon siyang nanalangin, nagtanong, sumangguni sa mga taong makakatulong sa kanyang magpasya at humanap ng bokasyon niya. Makalipas ang isang taong paghahanap sa kahulugan ng buhay, napagtanto niyang tinatawag siya ng Diyos at magiging lubos lamang siyang maligaya kung susundin niya ang kanyang bokasyon. Tinalikuran ni Carlos ang lahat at pumasok siya sa seminaryo. Tulad ng tao sa ebanghelyo natin sa araw na ito, natagpuan ni Carlos ang Diyos at iniwan niya ang lahat ng kanyang ari-arian upang makamit ang kaharian ng langit.  Ikaw kapatid, may kailangan ka bang i-give up para lubusan kang maging masaya? O upang maging ganap ang iyong pagsunod sa Panginoon? Huwag kang mangamba at alalahanin mong lagi, tanging ang iyong kasiyahan at kabutihan ang nais ng Diyos para sa iyo.  Panginoon, salamat sa lahat ng iyong mga biyaya. Buksan mo po ang aking puso at mga kamay upang matagpuan ko ang kaligayahan sa pag-aalay ng lahat sa iyo. Amen.