Daughters of Saint Paul

Agosto 03, 2017 HUWEBES sa Ika-17 Linggo ng Taon / San Pedro de Anagni

 

Ex 40:16-21, 34-38 – Slm 84 – Mt 13:47-53

Mt 13:47-53

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon naman ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.”

At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.”

Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.

PAGNINILAY

Ibinahagi pa rin ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon.  Nakakita na po ba kayo ng mga mangingisda na naghahagis ng lambat sa dagat? Ang laki pala ng lambat! At dahil malawak ito at mahaba, nakakahuli ito nga iba’t ibang uri ng mga isda. Kaya pala inihalintulad ni Jesus ang kaharian ng langit dito.  Ang kaharian ng langit, para sa lahat ng tao, walang tinatanggihan o pinapanigan dito. Pero hindi pwedeng magpadala lang tayo sa agos ng tubig. Binigyan ang bawat isa sa atin ng Diyos ng buhay at kalayaang pumili ng ating hantungan. Kapag dumating ang araw ng paghuhukom, kasama ba tayo sa titipunin sa sisidlan o itatapon ba tayo sa pugon ng apoy?  Sa bawat pagkakataong pinili natin ang tama at mabuti, ang magparaya at magmahal, ang magpatawad at magpasalamat, ang talikdan ang sarili para sa kapakanan ng iba, nalalapit tayo sa kaharian ng langit. Mga kapatid, hindi lang sa huling sandali ang pagpapasya kundi araw-araw.  Araw-araw, inaanyayahan tayo ng Diyos na piliin Siya, piliin ang mabuti at kalugod-lugod sa Kanya.  Kung hindi mo pinipili ang Diyos ngayon, sa palagay mo kaya, magbabago ang iyong hantungan sa huling sandali ng iyong buhay?  Panginoon, tulungan mo po akong gamitin ang mga pagkakataon sa araw na ito upang mahalin ka at ang aking kapwa. Huwag ko nawang sayangin ang panibagong pagkakataong maging saksi ng Iyong buhay na pananatili sa kasalukuyang mundo.  Amen.