Lev 23:1, 4-11, 15-16, 27, 34b-37 – Slm 81 – Mt 13:54-58
Mt 13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
PAGNINILAY
Ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon, ibinahagi sa atin ni Sr. Rose Agtarap. Nabalitaan nyo ba yung janitor na nagtapos ng pagka-abogado kamakailan lamang? O iyong security guard na nagtapos ng pagka-guro sa mismong kolehiyong pinagtatrabahuhan niya. Malamang, hindi tayo makapaniwala na ang isang janitor o security guard – matagumpay na makapagtatapos sa kolehiyo, at pagka-abogado pa! Lalo na siguro yung mga kasamahan nila sa trabaho at mga kapitbahay! Normal po ang reaksiyon na ganito, tulad ng narinig natin sa ebanghelyo. Ang nakita ng mga taga-Nazaret – ang background ni Jesus. Hindi nila matanggap na may kakaibang kakayahan at kapangyarihan si Jesus. Para sa kanila, kilalang-kilala nila kung sino siya, at nagmamagaling lang siya. Bawat isa po sa atin, pinagkalooban ng katangi-tanging galing at kakayahan. Minsan, dahil sa kahirapan o kawalan ng pagkakataon, nananatili itong nakatago. Pero madalas, hindi lumalabas ang ating galing dahil walang gustong maniwala at magtiwala sa atin. Gaya ng mga kababayan ni Jesus, nagiging bulag sa ating tunay na pagkatao ang mga taong mas malapit sa atin. Nakalulungkot mang isipin pero ito ang katotohanan. Kapatid, sino ang pwede mong i-encourage o i-affirm ngayong araw na ito? Ipakita mo ang simpatiya at tiwala sa isang nagsisikap na mapabuti ang buhay. Baka iyon lang ang kailangan niya upang lubusang magbago, o magpakita ng natatagong galing. Panginoon, Makita ko nawa ang posibilidad o kabutihan na maaaring magawa at makamit ng aking kapwa. Huwag ko sanang ipagkait ang aking tiwala sa kanyang kakayahan. Amen.
