Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab n asana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n'yo ba'y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Pagkat mula ngayo'y magkakahati-hati ang limang nasa isang sambahayan, tatlo laan sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila: ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki alaban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae."
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, marahil itatanong ninyo: ano ba itong "apoy" na gustong pagningasin ni Jesus dito sa mundo? Mga kapatid, ipinakilala ni Jesus ang Kanyang sarili bilang may nagliliyab na hangaring tanglawan ang mundo ng apoy ng Espiritu. Iyon ang talagang hangad ng Kanyang gawa. Pero kailangan Niya munang mabinyagan para maisakatuparan iyon. Ang tinutukoy na binyag ni Jesus dito, hindi ang pagbibinyag ni Juan sa Ilog ng Jordan, kundi ang Kanyang pagdadaanang paghihirap at pagpapakasakit upang maging ganap ang Kanyang misyon. Maluluklok si Jesus sa kaharian ng langit kapag natapos Niya ang Kanyang misyon. At ipadadala ang Espiritu bilang unang handog nang Muling nabuhay na si Jesus. Kapayapaan naman ang ikalawang handog! Mga kapatid, nais ipahiwatig ng Panginoong Jesus na ang katapatan sa Diyos at pananampalataya sa Ebanghelyo, maaaring magdala ng kaguluhan at pagkakahati-hati – sa loob man ng isang pamilya, samahan, komunidad, maging sa opisinang ating pinagtatrabahuhan. Sa ating karanasan, kapag nanindigan tayo sa kung ano ang tama at mabuti; kapag ninais nating ituwid ang baluktot na sistema ng isang samahan; kapag ang panuntunan ng Diyos ang nais nating sundin sa pagpatupad ng batas – makararanas tayo ng pag-uusig, pagtakwil at pagsalungat mula mga taong di sang-ayon dito. Pero kung sa kabila ng pagkakahati-hating ito, sinikap nating mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos at manindigan sa kung ano ang tama at mabuti – usigin man tayo at itakwil ng marami, wala tayong dapat ikabahala dahil nasa panig natin ang Diyos. Nang gawing santo ng Mahal na papa Juan Pablo II si San Lorenzo Ruiz sa Luneta noong 1981 sinabi niya: "Ang mamatay para sa pananampalataya, isang tawag sa iilan; Pero ang mabuhay sa pananampalataya, isang tawag para sa lahat. Masusubok ng apoy ni Kristo ang bawat isa sa atin, kung kaya nga ba nating mamatay at mabuhay para sa ating pananampalataya kay Kristo.