Daughters of Saint Paul

Agosto 15, 2016 LUNES Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon Ang Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria

Nagmamadaling naglalakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasaok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: Lubos kang pinagpapala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako't naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon. At sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapaglistas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali't salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. "Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. "Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod. Inalaala ang kanyanang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman. Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang kapistahan ng Pag-akyat ni Maria sa Langit, gantimpala kay Maria bilang Lingkod ng Salita ng Diyos. Para sa mga teyologo, nangunguna ang prebililehiyong iakyat ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birhen sa Langit, dahil ang katawan niya naging walang-bahid kasalanang sisidlan, na lagakan ng Misteryo ng Pagkakatawang-Tao. Si Maria ang bagong Eba na nagsilang sa bagong Adan, si Jesus. Kaya naman, tama lang na maging saksi siya sa kaloob na buhay ng Diyos. Tulad ng pagdakila kay Jesus, dahil sa Kanyang pagsunod sa Ama, dinadakila din si Maria na lingkod ng kalooban ng Ama at lingkod ni Jesus. Kaya naman, ang Pag-akyat ni Maria sa Langit, kapistahan din nating lahat.