Daughters of Saint Paul

Agosto 16, 2016 MARTES Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon San Roque, manggagamot at San Esteban ng Ungguria, hari

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa Kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Langit." Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing "Kung gayon, sino ang maliligtas?" Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: "Imposible ito para sa tao; pero sa Diyos, lahat ay posible." Nagsalita si Pedro at sinabi:"Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?" Sumagot si Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumusunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag-upo ng anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang walang hanggang buhay. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna."

PAGNINILAY

Mga kapatid, totoong mahirap, pero hindi imposibleng makapasok sa Langit ang isang taong mayaman. Maaaring maging sagabal ang kayamanan, kung iresponsable ang paggamit nito; ginagamit sa kasakiman, sa bisyo, sa pag-ipon ng mga materyal na bagay na di naman kailangan, at kayamanan na, ang dinu-diyos ng tao. Pero maaari din namang gamitin ang kayamanan para makamit ang kaligtasan. Katulad ng maraming mayamang aktibo sa pagtulong sa mga kapuspalad, tumutulong sa mga proyekto ng simbahan, at nagtataguyod ng mga foundations na nagbibigay ng libreng edukasyon para sa mga karapatdapat na kabataan. Kung walang pinansiyal na kakayanan, hindi magagawa ang mga pagkakawang-gawa na ito. Kaya hindi naman masamang maging mayaman, kung bukal sa puso ang kanyang pagtulong. At dahil sa kanyang pagkakawang-gawa, marami ang naiahon sa kahirapan. Sa kabilang banda, ang kahirapan, maaari ding magtulak sa tao sa kapahamakan kung pipiliin niyang gumawa ng masama maiahon lang ang sarili sa kahirapan. Samakatuwid mga kapatid, ang pagiging mayaman o mahirap, maaaring maging daan sa kapahamakan o kabutihan. Kung gagamitin ang kahirapan sa tamang pamamaraan, pwede itong maging inspirasyon sa pagsisikap at pagpapakabanal, at ang pagiging mayaman naman sa pagiging matulungin at mapagbigay.