Daughters of Saint Paul

AGOSTO 2, 2019 BIYERNES SA IKA-17 LINGGO NG TAON San Eusebio de Vercelli, obispo at San Pedro Julian Eymard, pari

EBANGHELYO:  Mt 13:54-58

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Fr. Tony Atole ng Society of St. Paul. Narinig natin sa Ebanghelyo na hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan si Hesus, kaya kakaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon dahil kulang sila ng pananampalataya.  Merong tatlong kadahilanan kung bakit hindi tinanggap ng kanyang mga kababayan si Hesus. Una, dahil siya’y isang karaniwang manggagawa lamang; isang karpintero, katulad ng kanyang ama-amahang si Jose. At para sa kanyang mga kababayan, ang isang manggagawa na walang pinag-aralan, hindi maaaring maging matalino. Ikalawa, kilala nila ang kanyang pamilya.Kaisa nila siya.  At ang pangatlo, kilala nila kung saan nanggagaling si Hesus.  Kung pagninilayan natin ang ating buhay, hindi naiiba sa atin ang karanasan ni Hesus.  Nakararanas o nakaranas din tayo ng pagtanggi (o rejection) mula sa mga taong hindi natin kakilala o kakilala natin. Noong ako’y kumukuha ng CPE o (Clinical Pastoral Exposure) sa isang malaking hospital sa Makati, na kung saan ako ang chaplain, naranasan kong tanggihan ng isang pasyente na para bagang nandidiri sa akin. Nagalit siya sa akin at pinagtabuyan niya akong lumabas ng kuwarto. Iyon pala, napabilang sa ibang relihiyon ang pasyente.  Mga kapatid, sa ganitong pagkakataon, sa halip na magalit tayo sa kanila, tapatan natin ng kapakumbabaan ang kanilang galit. Nang sa ganun, matularan natin ang kapakumbabaan at kabanalan ng Panginoong Jesus.  

PANALANGIN:

Panginoon, pagkalooban Mo po kami ng grasya na matanggap nang may kaluwagan ng puso ang mga taong nandidiri, nagagalit, nangungutya, nagbababa at nag aalipusta sa amin. Sila ang mga taong tinutukoy mong mahalin namin at ipagdasal.  Sa tulong ng iyong biyaya at awa, nawa’y madala namin sila sa iyong Kaharian. Amen.