Daughters of Saint Paul

Agosto 23, 2016 MARTES Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Rosa de Lima, dalaga, Pangalawang Patrona ng Pilipinas

Sinabi ni Jesus: "Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi n'yo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad ny'o ng ikapu ngunit hindi n'yo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala n'yo ang lamok pero nilulunok ang kamelyo. "Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis n'yo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno n'yo naman ang loob ng pagnanakaw at karahasan at binabasbasan ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.

PAGNINILAY

Mga kapatid, kung nanonood ka ng TV o kaya dumadaan sa kahabaan ng Edsa, mapapansin mong sunod-sunod at kabi-kabila ang mga produktong pampalinis ng katawan, pampaputi ng balat at pampabango ng amoy. Sadyang napakahalaga nga naman ang manatiling malinis ang katawan, upang makaiwas sa sakit at upang maging maganda sa paningin ng iba. Pero, panlabas lamang ang lahat ng mga ito. Subalit ilan ba sa atin ang gumugugol ng katakot-takot na panahon at pera para sa panlabas na pagpapaganda? Ang iba pa ngang may pera, nagpaparetoke ng mukha, nagpapa-liposuction ng taba, nagpapadagdag o nagpapabawas ng ilang bahagi ng katawan at kung anu-ano pang surgery ang dinadaanan -mapaganda lang ang hitsura at maging kaakit-akit sa mata ng ibang tao. Sila ang mga taong masasabi nating makitid ang pananaw sa buhay. Mga kapatid, sa mata ng Panginoon, mas mahalaga pa rin ang may malinis na kalooban. Dahil tanging ito lamang ang mananatili at madadala natin sa buhay na walang hanggan kasama ang Diyos. Ang panlabas nating kagandahan, kahit gaano pang pag-aalaga at pagsisikap nating panatilihin itong bata – kukulubot, tatanda at babalik din sa lupa kapag tayo'y namatay. Samantalang, kung mabuting kalooban ang sinikap nating lumago, sa pamamagitan ng mabubuting asal at gawa – hindi lang tayo maganda sa mata ng Diyos, tunay na maganda rin tayo sa mata ng lahat ng taong ating tinulungan at nagawan ng mabuti. Ito ang itinuturo ng Ebanghelyo ngayon. Kaya nga sinabi ni Jesus, na kaawa-awa naman ang mga eskriba at mga Pariseo dahil mas pinapahalagahan pa nila ang panlabas na anyo kaysa kanilang kalooban. Sa buhay mo ngayon kapatid, alin ba ang pinaggugugulan mo nang mas maraming panahon?