Natagpuan naman ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: "Ang tinutukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret." Sinabi sa kanya ni Natanael: "May mabuti bang galing sa Nazaret?" Sagot ni Felipe: "Halika't tingnan mo." Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: "Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari." Sinabi sa kanya ni Natanael: "Paano mo ako nakilala?" Sumagot sa kanya si Jesus: "Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo." At idinugtong ni Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos."
PAGNINILAY
Sa mga Ebanghelyong Sinoptiko, wala ang pangalan ni Natanael sa talaan ng labindalawang apostol ni Jesus. Sa halip, si Bartolome ang nakalista na kasama ni Felipe. Pero sa Ebanghelyo ni Juan, binabanggit na natagpuan ni Felipe si Natanael pagkatapos nitong tumugon sa pagtawag ni Jesus. Kung gayon, maaaring si Natanael ang Bartolome sa mga Ebanghelyong Sinoptiko. Mga kapatid, ang Ebanghelyo ngayon, isang magandang kuwento ng pangangalap ng tao para sa bokasyon. Si Andres na tagasunod ni Juan Bautista ang nagdala ng kanyang kapatid na si Simon Pedro kay Jesus. Ngayon naman, dinala ni Felipe si Natanael kay Jesus. Sa kabila ng malamig na pagtanggap ni Natanael kay Jesus sa simula, sinabi lamang ni Felipe na, Halika, tingnan mo. Pumayag si Natanael. At siya'y namangha sa kapangyarihan ni Jesus na bumasa ng nilalaman ng puso ng tao. Ipinapahiwatig ng tagpong ito, na lahat ng bagay saklaw ng kaalaman ng Diyos kung kaya't wala tayong maililim sa Kanya. Batid Niya ang nilalaman ng ating puso't isip, ang mabubuti at masasama nating hangarin, ang ating buong pagkatao. Mas kilala Niya tayo nang higit pa, kaysa sa pagkakakilala natin sa ating sarili. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang gabayan Niya ang ating puso at isip upang ang ating mga plano at pagdedesisyon, naaayon lahat sa Kanyang Banal na kalooban.