Daughters of Saint Paul

Agosto 27, 2017 LINGGO Ika -21 Linggo sa Karaniwang Panahon

Is 22:19-23 – Ps 138 – Rom 11:33-36 – Mt 16:13-20

Mt 16:13-20

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad:  “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?”  Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”

Sinabi niya sa kanila:  Ngunit sino ako para sa inyo?”  At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.”  Sumagot naman si Jesus:  “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.

 “At ngayon sinasabi ko sa iyo:  Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas.

PAGNINILAY

Mga kapatid, nais kong ikuwento sa inyo ang isang parokyang minsan naming pinagmisyonan.  Nakakatawag pansin ang katatagan ng simbahang ito.  Kung gaano kasi katatag ang konkretong simbahan sa kabila ng kalumaan nito, ganoon din katatag ang mga taong bumubuo ng Simbahan.  Sabi nga ng mga tao duon, marami nang pagsubok na napagdaanan ang kanilang parokya.  May panahon daw, na halos mabuwag na sila. Pero sa grasya at awa ng Diyos, muli silang nakakabangon at muling nagkakaisa.  Lalo raw ngayon na may pari silang bukod sa masipag at mabait, marunong makisalamuha at mapagtiwala.  Dahil dito, nararamdaman nilang tunay silang kabilang sa Simbahan.  Ang katwiran ng pari, ilang taon lang daw siyang mangangalaga sa kanilang parokyano.  Tapos malilipat na raw sila sa ibang parokya.  Samantalang ang mga taong bayan, sila mismo, buong buhay na nananahan sa kanilang lugar.  Sila ang nagmamay-ari ng kanilang parokya.  Ang mahalaga, nagawa niya ang kanyang tungkulin bilang pastol ng kawan ng Diyos.  Sa mga nasa krisis naman na parokya, manalig kayo sa Diyos.  Hilingin ninyo ang panalangin ni San Pedro at tatagan ninyo ang inyong kalooban.  Subukang lawakan ang inyong pang-unawa sa isa’t isa at mag-usap nang masinsinan para magkaliwanagan.  Matatag na simbahan ang inaasahan sa atin ni Jesus para ipagpatuloy ang Kanyang nasimulan.  Panginoon, itulot  Mo pong maging aktibong kasapi ako ng parokyang aking kinabibilangan.  Tulungan Mo po akong makapaglingkod Sa’yo at sa aking kapwa sa abot ng aking makakaya. Amen.