Daughters of Saint Paul

Agosto 28, 2017 LUNES sa Ika-21 Linggo ng Taon / San Agustin, Obispo at pantas ng Simbahan

1 Tes 1:1-5, 8b-10 – Slm 149 – Mt 23:13-22

Mt 23:13-22

Sinabi ni Jesus:  Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara n'yo ang Kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi n'yo rin pinapapasok ang mga makapapasok.

“Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot n'yo ang dagat at Lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa n'yo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo.

“Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi n'yong 'Walang bisa kung sa Templo manunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.' Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi n'yo'y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.”

PAGNINILAY

Ramdam natin ang galit ng Panginoon sa Ebanghelyo.  Kanyang tinuligsa ang mga guro ng Batas at Pariseo dahil sa kanilang pagkukunwari, at pagiging mga bulag na taga-akay.  Lahat ng kanilang mga pagkilos at gawaing paglilingkod – puro palabas lamang, para mapapurihan.  At marami silang mga tagasunod na nahuhulog din sa ganitong kalakaran.  Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili – nararapat ba tayong tawaging taga-akay?  Ang mga magulang sa kanilang mga anak; ang mga guro sa kanilang mga estudyante; ang mga preachers sa kanilang mga tagapakinig – taos puso ba ang ating ginagawang paglilingkod?  Mahalagang malaman ang ating tunay na hangarin sa paggawa ng mabuti – nang maiwasan ang pagkukunwari, at pagiging bulag na mga taga-akay ng ating kapwa.  Dahil kung wagas ang ating hangarin sa mga gawaing paglilingkod – tayo dapat ang unang nagsasabuhay ng ating mga itinuturo sa iba; mapaninindigan natin ang ating mabubuting sinasabi; at magsisilbi tayong huwaran para sa mga taong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong naging bulag akong tag-aakay ng iba – dahil hindi ko  napanindigan ang aking mabubuting sinasabi. Amen.