Jer 1:17-19 – Slm 71 – Mc 6:17-29
Mc 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodias: “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma'y gusto pa rin niya itong marinig.
At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” At sumagot naman ito: “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.”
Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya inutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita, at ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nung mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
PAGNINILAY
Napakalaking hamon sa panahon natin ngayon ang manindigan sa kung ano ang tama, mabuti at kalugod-lugod sa Diyos. Sa gitna ng lipunang tila manhid na kasalanan, at ang araw-araw na patayan nagiging new normal na, at tanggap nang kalakaran – matindi ang pangangailangan natin ng mga modernong propeta katulad ni Juan Bautista, na tutuligsa sa maling kalakarang nagaganap sa lipunan. Pero marami sa atin ang naduduwag magsalita, natatakot, dahil buhay natin ang nakataya dito. Handa ba tayong mag-alay ng buhay para panindigan ang utos ng Diyos na “Huwag papatay?” Katulad nang marami nating kababayan na nagbuwis ng buhay dahil sa kanilang matatag na paninindigang isulong kung ano ang tama, labanan ang mga mapagsamantala at umaabuso sa karapatang pantao at kalikasan. Mga kapatid, hindi ito madali! Pero kung hahayaan natin ang Banal na Espiritu na kumilos sa pamamagitan natin; kung naniniwala tayo na ang buhay galing sa Diyos at siya lamang ang may karapatang bumawi nito; at kung kumbinsido tayong mga modernong propeta at tagapagsalita tayo ng Diyos – wala tayong dapat ikatakot. Ang Diyos mismo ang kikilos at magsasalita sa pamamagitan natin. Pero mahalaga ang ating malapit na pakikipag-ugnayan sa Kanya para makatugon tayo sa hamong ito.