Daughters of Saint Paul

Agosto 4, 2016 HUWEBES Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon San Juan Maria Vianney, pari

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mg alagad: "Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?" Sumagot sila: "May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa Mga Propeta kaya." Sinabi niya sa kanila: "Ngunit sino ako para sa inyo?" At sumagot si Simon Pedro: "Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay." Sumagot naman si Jesus: "Mapalad ka Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. " At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit." At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: "Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede." Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: "Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao."

PAGNINILAY

Kapatid, Kung ikaw ang tatanungin ng Panginoong Jesus ngayon kung sino Siya para sa iyo, ano ang itutugon mo? Malinaw na ang hinihinging sagot sa tanong na ito, nakaugat sa personal na pagkakilala at ugnayan natin sa Kanya. Nasagot man ni Pedro nang tama ang tanong Niya, hindi ito nangangahulugang tunay na niyang kilala si Jesus. Dahil ang Panginoon na mismo ang nagsabing, "hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa kanya kundi ang Kanyang Ama sa Langit." Marami pang pagdaraanan si Pedro at ang kanyang mga kasama, bago pa nila lubusang makilala ang Panginoon. Isusugo pa ang Banal na Espiritu matapos na umakyat si Jesus sa Langit. At ito ang magpapaunawa sa kanila ng mga bagay, na noon, hindi pa nila lubos na nauunawaan. Mga kapatid makikilala lamang natin ang Diyos, kung bukas tayong tanggapin ang gabay at patnubay ng Banal na Espiritu sa ating pang-araw-araw na buhay. Manalangin tayo. Panginoon, papagningasin Mo po ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso nang lumalim pa ang aking pagkakilala at pananampalataya Sa'yo. Amen.