Daughters of Saint Paul

Agosto 6, 2016 SABADO Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon Ang Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon

Isinama ni Jesus sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. At habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting nagningning ang kanyang damit. May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem. Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. Nang papalayo na ang mga iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: "Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias." Hindi niya alam ang kanyang sinsabi. Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumilim sa kanila; at natakot sila pagpasok nila sa ulap. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: "Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan ninyo siya." Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa Biblia, ang mga bundok karaniwang mga lugar ng pagpapakita ng Diyos. Sa bundok din tinanggap ng mga kilalang tauhan sa Banal na Kasulatan ang pagtawag sa kanila ng Diyos. Sa bundok ng Sinai, tinanggap ni Moises ang Sampung Utos ng Diyos. Dito rin niya unang nakausap ang Diyos sa anyo ng punong nagliliyab. Sa bundok ng Moriah naman, tinanggap ni Abraham ang kanyang bokasyon sa pagiging Ama ng lahat ng bansa. Sa bundok ng Olibo, nakatagpo ni Elias ang Diyos. At sa bundok ng Tabor ipinamalas naman ni Jesus ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang pagbabagong-anyo. Nakita rin sa pangyayaring iyon sina Moises at Elias na kapwa may banal na karanasan sa bundok. Sa bundok ng Golgota naman inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng lahat. Sa bundok na ito, malinaw na ipinakilala ng Diyos si Jesus bilang Anak Niyang Diyos din. Mga kapatid, kung naalaala lang sana ng mga alagad ang pagbubunyag sa bundok ng Tabor, malamang na hindi sana sila natakot at nagtago noong patayin si Jesus sa krus. Sa ating pang-araw-araw na buhay, kung lagi nating alalahanin na muling nabuhay si Jesus at kasa-kasama natin siya sa panahon ng tagumpay at kabiguan, kasiyahan at kalungkutan, kalusugan at karamdaman- hindi tayo kailanman mawawalan ng pag-asa dahil nananalig tayong may Diyos na umaagapay sa atin sa tuwina. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng marubdob na pananampalataya, na makita Kayo sa lahat ng panahon at pagkakataon sa aking buhay. Amen.