Daughters of Saint Paul

AGOSTO 7, 2022 – LINGGO SA IKA -19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Gaano ba tayo kahanda sa pagdating ng Panginoon? Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikalabing-siyam na Linggo sa karaniwang panahon ng ating liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa patuloy Niyang pag-iingat at paggabay sa atin hanggang sa sandaling ito. Ako si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul!  Kumusta ba ang paghihintay mo sa Panginoon? Lagi ka bang handang patuluyin Siya ano mang oras siya dumating sa iyong buhay?

Ebanghelyo: Lucas 12: 35-40

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa Panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pag sisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”

Pagninilay: Minsan kapag ako ay nagbabasbas ng patay ay talagang agaw-pansin ang mga ipinapatong sa itaas ng kabaong. Siguro ang mga ilan sa inyo ay nag-iisip, “Siguro napansin ni Father na may naglalagay ng pagkain o kaya sisiw sa itaas ng ataol. Aaminin ko na ilang beses na akong nakakita ng mga iyan. Pagkain, na minsan ay inaabot nang isang linggo na nakalagay, kaya ayun… BOOM PANIS! Pinuputakti pa ng langgam at ipis… Yuck!!! O kaya sisiw, isang kaugalian na kung saan ang namatay ay biktima nang karahasan. At sa bawat pagtuka daw ng sisiw ay pag-uusig ng budhi sa taong nakagawa ng karahasan. Pero alam ninyo, meron pang mas kakaiba akong nakita. Ito ay ang paglalagay ng baraha, sigarilyo at alak. Tinanong ko ang pamilya kung bakit naglalagay sila nito. Ang sagot ay “Kasi po ito ang mga gusto at alaala nang yumao.” Baraha? Mahilig magsugal; sigarilyo? Mahilig manigarilyo; at alak mahilig tomoma. Alaala? Ohhh… Napaisip tuloy ako, kung ako kaya ang yayao, ano kaya ang ilalagay ng mga tao sa itaas ng aking kabaong, “Lechon!!!” Ewww… wala namang bastusan. Sa ating Ebanghelyo, tayo ay muiling hinihikayat na ang iiwang alaala ay ang maging tapat at mapagmahal na alagad ni Hesus. Alagad na laging handa sa paghihintay sa kanyang pagdating. Ito ay mangyayari kung may alab ang pananampalataya. Isabuhay ang pag-ibig, pagpapatawad, pagtulong sa mahihirap. Ito sana ang mga ala-alang tatatak sa kapwa at sa aklat ng buhay. Hindi sana ang patulog-tulog, tatamad-tamad, walang pakialam at nag-aagrabyado. Gawing buhay ang pananampalataya. Pag-alabin ang turo at pag-ibig ni Kristo. Amen.