Daughters of Saint Paul

AGOSTO 11, 2022 – HUWEBES IKA – 19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON SANTA CLARA, DALAGA

Ebanghelyo: Mt 18:21 – 19:1

Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Hesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t pitong beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa naman sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang kanilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.” Nang tapos na si Hesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.

Pagninilay:        Madalas trending sa social media ang mga posts na nagpaparinigan na magbayad na ng utang na dahilan ng pag-aaway at minsan pa nga sabunutan. Ang dami na ring mga memes ang ating nakikita na gawing katatawanan ang konsepto ng pagkaka-utang ng pera. Relate po ang lahat dito diba? Ngunit hindi lang pagkakautang ng pera ang tinatalakay sa ating Mabuting Balita. Pagpapatawad at pagbibigay ng tawad sa mga pagkakautang at sa nagkasala sa atin. Walang quits-quits na tayo sa utang ko ha. Tapos na at okay na ha. At yung parang sa Divisoria ka na pagnakahingi ka ng tawad sa iyong binili eh ayos na. Happy ka na. Isang mabuting pag-uugali ang paghingi ng tawad sa ating mga pagkukulang at kalabisan natin sa ating kapwa ngunit katangi-tangi ito kung samahan ito ng pagpapatawad ng pagkaka-atraso at kasalanan ng iba sa atin kung sila ay humingi ng tawad. Hindi natin pagmamay-ari ang kapatawaran. Ibinibahagi ito at ipinapakita. Hindi lang pagkain ang hinihingi natin sa Diyos at ibinabahagi natin sa ating kapwa. Tandaan, na ang dasal na tinuro ni Hesus sa atin, hindi ito dito yun nagtatapos. May kadugtong pa ito ng paghingi ng tawad at ang pagbibigaya ng tawad sa iba. Hindi lang dapat ikaw o ako ang happy kung ikaw ay napatawad. Share, share din ng marami at hindi nauubos na ningas ng pagpapatawad.