Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 17, 2022 – SABADO IKA – 24 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Ebanghelyo: Lucas 8:4-13

Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Hesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga: “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa Langit. Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa kanilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.” At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaintindi. Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ang Salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ang mga nakakarinig nito subalit agad namang dumarating ang diyablo; inagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig na maligtas. Ang mga nasa batuhan ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. Ang nahulog naman sa tinikan ang mga nakakarinig na sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya’t hindi sila nakapagbunga. Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa pagtagal.”

Pagninilay:

Sa talinhagang ating narinig, malinaw na ang Diyos ang maghahasik, ang Salita ang binhi, at ang iba’t ibang lupa ang kumakatawan sa iba’t ibang uri ng puso na tumatanggap sa Salita. Tunay na hindi ipinagdamot ng Diyos ang Kanyang Salita. Ang mga makasalanan man, ay may karapatan ding mahasikan ng binhi mula sa Diyos. Ayon nga sa Mateo 5:45, “Pinasisikat ng Diyos ang kanyang araw sa kapwa masasama at mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid.” Pero, kailangan din ang ating kooperasyon para umusbong at magbunga ang Salita ng Diyos sa ating buhay. Lupa mang batuhan o dawagan ay maaari ring maging mayamang lupa kung ito’y bubungkalin, lilinisin at lalagyan ng pataba upang maging kapaki-pakinabang ang binhing nahasik dito. At magagawa natin ito sa palagian nating pagdarasal at pagninilay ng Salita ng Diyos, sa ating paglalaan ng panahong manahimik at magsuri ng budhi, at sa tulong na rin ng Espiritung Banal na nananahan sa ating puso. Kapanalig, kumusta ba ang puso mo kung ihahambing sa iba’t ibang uri ng lupa na inilalarawan ngayon sa Mabuting Balita? Nagbubunga ba ng pagbabago sa iyong buhay ang pakikinig mo sa Salita ng Diyos?

Manalangin tayo:

Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong bukas sa pagtanggap ng Iyong Banal na Salita nang magbunga ito ng siksik, liglig at umaapaw na mga biyaya sa aking buhay pananampalataya at pakikipagkapwa tao. Amen.