Daughters of Saint Paul

Agosto 9, 2016 MARTES Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Teresa Benedicta dela Cruz (Edith Stein), dalaga at martir

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: "Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?" Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata ay hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. "Huwag n'yo sanang hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay n'yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu't siyam para hanapin ang naligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, aysw ng inyong Ama nasa Langit ang mawala ang isa man sa malilit na ito."

PAGNINILAY

Mga kapatid, ibig ng Panginoong Jesus na maabot nating lahat ang kaganapan. Makakamit natin ang kaganapang ito, kung maitutulad natin ang ating kalooban sa Kanya at manirahan tayo sa Kanyang Kaharian. Sa madaling salita, kung tataglayin natin ang katangian ng isang bata, dahil ito ang katangian ng isang disipulo. Ang disipulo ng Panginoon – bukas sa anumang turo tungkol sa kabanalan at ispiritwal na karunungan, at handang tumanggap ng pagtatama o koreksyon para sa kanyang ikabubuti. Pakantandaan din natin na panghabambuhay ang proceso ng pagkamit ng kaganapan. Nangangahulugan ito ng araw-araw nating pagsisikap na isabuhay ang kalooban ng Diyos. Halimbawa, kung paano natin haharapin nang may kababaang-loob ang mga pagsubok sa buhay. Kung paano natin tatanggapin ang kahinaan natin at ipagkatiwala sa Panginoon ang bagay na di natin kayang gawin. Kung paano nating isasapuso at isasabuhay ang Kanyang Salita. Kung paano tayo magiging tapat sa ating sarili at sa ating kapwa na walang pag-iimbot. Mga kapatid, lalago tayo sa pagkamit ng kaganapan kung lagi tayong lalapit sa Panginoon na tila isang bata – mababang-loob, at lubos ang pagtitiwala sa kabutihang-loob ng Diyos. Kinikilala niya na sa kanyang sariling kakayahan, wala siyang magagawang mabuti. Kaya lubos niyang isinusuko ang sarili sa Panginoon sa pag-asang gagamitin siya ng Diyos ayon sa Kanyang itinakda para sa kanya.