Daughters of Saint Paul

Disyembre 20, 2016 – MARTES Huling Linggo ng Adbiyento / Santo Domingo de Silos

Lk 1:26-38

Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria ang pangalan ng birhen.

            Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka' O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.”

            Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.

            At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”

            Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki? At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasankaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katadaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposibla sa Diyos.”

            Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, muling pinatunayan ang kasabihang walang imposible sa Diyos.  Si Elizabeth na pinsan ni Maria, matanda na at itinuturing na baog – nagdalang-tao.  Si Maria nama’y naglihi sa kapangyarihan ng Espiritu Santo.  Maraming hindi makapaniwala sa mga kaganapang ito.  Pero ito’ y totoo, dahil tunay silang pinagpala ng Diyos – hinirang silang kasangkapan upang maisakatuparan ang planong pagliligtas ng Ama. Mga kapatid, tunay ngang walang imposible kapag ang Diyos ang kumilos.  Kailangan lamang  natin ang lubos na pagtitiwala na sa Kanyang takdang panahon tutugunin Niya ang ating mga panalangin.  Marahil marami nang pagkakataong nawalan tayo ng pag-asa sa paggawa ng isang bagay na iniisip nating imposible. Minsan kasi nangingibabaw sa atin ang takot at kawalan ng tiwala sa sarili.  Hindi pa man nasusubukan ang isang bagay, nakadarama na tayo ng pagkabigo at pagkatalo.  Tanda ito ng kakulangan ng pananalig sa kagandahang loob at awa ng Diyos. Mga kapatid, sa araw-araw nating pamumuhay idalangin nating lagi tayong pangunahan ng Diyos sa ating mga gawain at pagdedesisyon.  Kapag Siya ang puno’t dulo ng ating mga pagkilos – mapapatunayan din natin sa’ting sarili na tunay ngang walang imposible sa Diyos.