Daughters of Saint Paul

Disyembre 21, 2016 – MIYERKULES Huling Linggo ng Adbiyento / San Pedro Canisio

Lk 1:39-45

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, damang-dama ni Maria ang kalooban at kagandahang-loob ng Diyos! Naglakbay siya nang malayo patungo sa kaburulan ng Judea, para dalawin ang pinsang si Elisabet. Nais ni Maria na ibahagi ang Mabuting Balita sa kanya ng anghel at masaksihan ang kahanga-hangang pagpapala ng Diyos sa kanyang pinsan. Nagbuntis si Elisabet sa kanyang kabaugan at katandaan. Si Maria naman na isang pangkaraniwang babae, nagdadalantao kay Jesus na Siyang Mesiyas. Ang lahat ng ito’y nangyari sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Hangarin ni Maria na mapagsilbihan si Elisabet. Sa katandaan ni Elisabet, mahirap na sa kanya ang magbuntis. Pero, tila mas mabigat sa kanyang kalooban ang makatanggap ng pangungutya dala ng kanyang kagila-gilalas na kalagayan. Tanging si Maria ang taong makakaintindi kay Elisabet; dahil tulad niya, si Maria’y pinaghimalaan rin ng Diyos.   Kapansin-pansin ang pananabik ni Maria na muling makadaupang-palad si Elisabet. Anumang hirap, pasakit at hamon –susuungin niya. Taglay ni Maria si Jesus sa kanyang puso at sinapupunan. Sa taong punung-puno ng grasya, ang bawat minuto’y mahalaga. Ito’y nakalaan sa pagpapahayag ng mensahe ng pag-asa at pag-ibig, ng pagtulong sa kapwa. Mga kapatid, matularan nawa natin si Maria sa pagharap sa hamon ng buhay at pananampalataya. May mga pangyayari din sa ating buhay na hindi inaasahan, mahirap maunawaan, o di kaya’y mahirap tanggapin. Sa kabila nito, patuloy nawa tayong manalig sa Diyos at maging bukas sa tulong ng ibang tao. Sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal at pagninilay-nilay, at pakikinig sa payo ng mga espiritwal na lider o gabay, o ng mga taong may mabubuting kalooban – maaaninag rin natin ang “ilaw” at pag-asang kakailanganin natin sa pagharap sa mga suliranin at dagok sa buhay.  Manalig tayo na patuloy na sumasaatin ang Diyos kung kaya’t hindi mawawalan ng mga mabubuting tao sa mundo. Idalangin nating maging buhay na saksi nawa tayo ng Kanyang paghahari sa kasalukuyan.