Daughters of Saint Paul

Disyembre 22, 2016 – HUWEBES Huling Linggo ng Adbiyento / San Flaviano

Lk 1:46-56

Sinabi ni Maria:

Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon

at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking tagapagligtas

dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya,

       at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.

Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,

        banal ang kanyang Pangalan.

Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi.

        para sa mga pitagan sa kanya.

Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,

        Ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.

Pinatalsik niya sa luklukan ang mga may makapangyarihan,

        itinampok naman ang mga balewala.

Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,

       at itinaboy ng walang-wala ang mga mayayaman.

 Nilingap niya nag Israel ng kanyang lingkod,

        Inialaala ang kanyang awa

Ayon sa ipinako iya sa ating mga ninuno,

         Kay Abraham at kanyang angkang magpakilanman.”

Mga tatlong buwan nanatili si Maria kasama si Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

PAGNINILAY

Mga kapatid, umaawit si Maria ng papuri sa Diyos. Ikinagagalak niya ang katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanya. Sa kanyang pagiging aba, pinili siya ng Diyos na maging Ina ni Jesus na siyang Mesiyas, ang Tagapagligtas ng Sanlibutan. Pero, hindi ito naging madali para sa kanya. Ayon sa isang eksperto, inialay ni Maria sa Diyos ang kanyang buong buhay, damdamin, pag-unawa – sa pagninilay niya sa kadakilaan ng misteryong umakit sa kanya. Walang tanging yaman si Maria kundi ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung kaya’t, siya’y lubos na pinagpala. Umaawit si Maria hindi lamang dahil siya’y lubos na nagpapasalamat. Umaawit siya dahil patuloy siyang nanampalataya at umaasa sa katuparan ng mga pangako ng Diyos sa kanyang mga abang lingkod – Itataas ng Diyos ang mga mahihirap habang kanya namang ibababa ang mga mapagmataas, makapangyarihan, at mararahas. Mga kapatid, kasiyahan ang hatid ng Pasko. Nariyan ang kasiyahang dulot ng pagtanggap ng regalo at ng pagbibigayan ng mga matatamis na pagbati. Nariyan ang kasiyahan hatid ng mga himig Pamasko, makikislap na Christmas lights, at makukulay na dekorasyon. Sa gitna ng kasiyahang ito, nawa’y mabuksan ang ating mga puso at isipan sa tunay na galak na hatid ng Pasko – si Jesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, patuloy na sumasaatin! Patuloy tayong inaanyayahan ni Jesus sa buhay na tigib sa pagmamahal at pagsisilbi sa kapwa, anuman ang ating estado, paniniwala o pangarap sa buhay. Lahat tayo’y may kanya-kanyang “karukhaan,” “takot” at “kahinaan” sa pagharap sa hamon ng buhay; “pagkagutom at pagkauhaw” sa pag-ibig ng Diyos.  Manalangin tayo. Panginoon, matanto nawa namin na ang tunay na galak ng Pasko matatamo lamang sa aming pagpapakumbaba, pagbabagong-buhay, at patuloy na pagbubukas-loob Sa’yo at sa kapwa. Amen.