Daughters of Saint Paul

Disyembre 23, 2016 BIYERNES Huling Linggo ng Adbiyento / San Juan de Kanty

Lk 1:57-66 

Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay ay nga kamag-anakan na nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya.

            Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: ”Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang sinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos.

            Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang mga kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas ma lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon. 

PAGNINILAY

Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin ang kapanganakan at pagpapangalan kay Juan Bautista. Ibig sabihin ng pangalang “Juan,” “mapagpala ang Panginoon!” Si Juan ang kasagutan sa pinakarurok na mithiin nina Zakarias at Elisabet. Bagaman matanda na si Zakarias at baog si Elisabet, biniyayaan sila ng Panginoon ng pinaka-aasam-asam nilang anak. Tunay na sila’y pinagpala lalo’t nang lumaki si Juan, siya ang naging dakilang Tagapagpakilala kay Jesus. Una tayong nakikilala sa ating pangalan. Bagaman hindi sinasaklaw ng ating pangalan ang kabuuan ng ating pagkatao, mahalaga ito. Sa pagpapangalan sa atin ng ating mga magulang, inaako nila tayo. Katumbas ng pagpapangalan nilang ito sa atin ang pag-aaruga at pagmumulat sa atin sa buhay at pananampalatayang Kristyano. Karamihan sa ati’y kinuha ang pangalan sa isang santo o santa. Paalala ito na ang bawat isa sa atin, tinatawag sa buhay kabanalan. Ang pagiging Kristyano – hindi lamang sa pangalan. Ang pagiging Kristyano’y pagtulad kay Kristo, sa isip, sa salita, at sa gawa.    Bawat isa sa atin, may misyong dapat gampanan sa buhay. Misyon natin na magmahal at magsilbi sa kapwa. Tunay na sa taong nagmamahal, walang malaki o maliit na adhikain o gawain. Lahat mahalaga. Lahat pagtugon sa pagpapala ng Panginoon. Bilang mga binyagang Kristyano, paano tayo magmahal? Gaano natin iniaalay ang ating sarili sa kapwa? Tayo nga ba’y tunay na mga biyaya sa ating pamilya, komunidad, o Simbahan?  Panginoon, marapatin Mo pong mapanindigan ko ang aking pagiging Kristiyano.  Lumago nawa ako sa pagmamahal at mamuhay ayon Sa’yong banal na kalooban.  Amen.