Daughters of Saint Paul

ENERO 13, 2018 Sabado sa Unang Linggo ng Taon / San Hilario, Obispo at pantas ng Simbahan

MARCOS 2:13-17

Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat. Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila. Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan  ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY:

Narinig natin sa Ebanghelyo ang tagpo nang pagsalo ni Jesus sa hapunan sa bahay ni Levi. Nandoon din ang Kanyang mga alagad. Ganundin ang ilang maninigil ng buwis na naghahangad na makilala Siya. Sila yung itinuturing na makasalanan ng mga pinuno ng Israel.  Nagpapayaman kasi sila galing sa pandaraya, bukod pa sa hindi nila pagsunod sa mga panuntunan ng batas ng Judio. Kaya nang makita ng mga guro ng Batas si Jesus na kasalo nila, tumaas ang kanilang kilay. Palibhasa, mataas ang turing nila sa kanilang sarili. At huwag na huwag mo silang tatawaging makasalanan dahil mas higit pa sa galit ang ipupukol nila sa iyo. Pero may nakahandang sagot si Jesus sa kanila. Sinabi Niya na hindi ang malulusog ang nangangailangan ng duktor, kundi ang mga maysakit. Hindi Siya pumarito para tawagin ang mabubuti, kundi ang mga makasalanan… Sa puntong ito, suriin naman natin ang ating sarili.  Masasabi ba natin wala tayong nilalabag na utos ng Panginoon, at namumuhay talaga tayo ayon sa Kanyang kalooban?  Pansinin natin ang ordinaryong pangyayari sa buhay natin. May mga pagkakataon na ipinagpapaliban natin ang pagsimba tuwing Linggo sa maraming kadahilanan.  Okay lang kung may sakit tayo, dahil di talaga tayo makadadalo sa Misa ng pisikal.  Pero may mga Misa sa TV o radyo na maaari nating mapakinggan, di nga lang tayo makapag-komunyon.  Anim na araw na tayong nagtrabaho at napakaabala natin sa maraming bagay.  Pati ba naman ang maglaan ng isang oras tuwing Linggo, para magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang ating tinanggap, ipagkakait pa natin sa ating Tagapaglikha?  Mga kapanalig, kung magpapakatotoo din tayo sa ating sarili, alam nating marami tayong pagkukulang sa ating Panginoon at sa ating kapwa.  Kabilang din tayo sa mga taong may sakit na tinutukoy ng Panginoon na nangangailangan ng Duktor.  Lumapit tayo sa Kanya, at hilinging pagalingin tayo sa ating espiritwal na karamdaman.