Daughters of Saint Paul

ENERO 14, 2022 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG TAON

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Diyos sa ating mga kaibigan na hindi nang-iiwan, tunay na may malasakit at handang tumulong sa oras ng pangangailangan.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagdala ng mga kaibigan ng paralitiko sa kanya kay Hesus upang mapagaling, sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata dalawa, talata isa hanggang labindalawa.

EBANGHELYO: Mk 2:1-12

Pagkaraan ng ilang araw, pumasok si Jesus sa Capernaum.  Nang mabalitaang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon kaya wala nang lugar kahit sa may pituan.  At ipinahayag niya ang Salita.  May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat.

At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang maga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitikong nasa higaan.

Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”

May ilang guro ng Batas naman na nakaupo roon at inisip nila: “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos.  Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?”

At agad na nalaman ni Jesus sa kanayang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan.  Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan n’yong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat n’yong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.”

At sinabi niya sa paralitiko: “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.”  At bumangon nga ang tao, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat.

Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kahanga-hanga ang ginawa ng mga kaibigan ng paralitiko sa narinig nating ebanghelyo. Hindi nila mailapit kay Hesus ang kaibigan nilang may sakit dahil sa dami ng tao, kaya nag isip sila ng malikhaing paraan para mailapit ang kaibigan kay Hesus. Malalim ang kanilang pananampalataya at dakila ang kanilang pagmamahal sa kaibigang paralitiko. Kaya namangha si Hesus sa laki ng kanilang pananampalataya. Mga kapatid, kung tayo ang kaibigan ng paralitikong ito, magagawa kaya natin ng kusang loob itong ginawa nila? Magiging determinado kaya tayong malampasan ang mga balakid na nakaharang sa ating harapan upang makalapit kay Hesus? May tapang kaya tayong harapin at tanggapin ang sasabihin ng mga tao? Ang ginawa ng mga kaibigang ito ng paralitiko ay isang hamon sa bawat isa sa atin “to go an extra mile” sa ating pagtulong sa kapwa. 

(Huwag sana tayong mag dalawang-isip mag reach-out sa sinumang nangangailangan ng ating tulong. Nawa’y makita natin ang mukha ni Kristo sa bawat kapwa na dumudulog sa atin. Hilingin natin sa Diyos na maging bukas ang ating puso at isipan na makilala siya sa lahat ng pangyayari sa ating buhay. Amen.)