Daughters of Saint Paul

ENERO 15, 2022 – SABADO SA UNANG LINGGO NG TAON | San Arnold Janssen

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Purihin ang Mapagmahal nating Diyos sa pagkaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang baguhin ang sarili at punan ang ating mga naging pagkukulang sa mga nakalipas na araw.  God is a God of second chances!  Bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang lumago sa pagmamahal at pagpapakatao.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata dalawa, talata labintatlo hanggang labimpito.

EBANGHELYO: Mk 2:13-17

Pumunta si Jesus sa tabing-dagat at lumapit din sa kanya ang lahat.  Kaya nagturo siya sa kanila. Nakita naman niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya. Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay niya, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad.  Talagang ngang marami sila.  Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa kanya. Nang makita nila na nasa hapag siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanilang alagad: “Ano! Kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?” Nang marinig ito in Jesus, sinabi nila sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan bg Doctor kundi ang mga maysakait! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, kapansin-pansin sa Ebanghelyo ngayon ang pakikisalamuha ni Hesus sa mga makasalanan.  Inanyayahan Niya si Levi, na isang maniningil ng buwis na sumunod sa Kanya.  Gayundin nakisalo Siya at ang Kanyang mga alagad sa iba pang makasalanan, na labis namang ikinagulat ng mga Guro ng Batas.  Ginawa ito ng Panginoong Hesus dahil gusto Niyang maligtas ang mga makasalanan.  Sa Kanyang pakikihalubilo sa mga makasalanan maituturo Niya sa kanila ang daan ng kabutihan; maipararamdam Niya sa kanila ang Kanyang walang pagtatanging pagmamahal; at mabibigyan Niya pa sila ng pag-asang magbago, na hindi pa huli ang lahat.  Marahil sa pagpapadama Niya sa kanila ng walang kundisyong pagmamahal sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, mahikayat din silang magbago at magpakabuti.  Sinabi nga ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon na “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doctor kundi ang mga maysakit.  Hindi Siya naparito para tawagin ang mga mabubuti kundi ang mga makasalanan.”  Mga kapatid, kung sa ngayon itinuturing natin ang sariling matuwid at malapit sa Diyos, pinapaalalahanan tayong huwag maging mapanhusga sa kahinaan at kasalananan ng ating kapwa.  Dahil sa totoo lang tayo’y hindi din mga perfectong tao at mga makasalanan din.  Sa halip na maghusga matutunan nawa natin ang halimbawa ng Panginoon ngayon na bigyan sila ng pagkakataong magbago. 

PANALANGIN

Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong naging mapanhusga ako sa kahinaan ng aking kapwa.  Matanto ko nawa lagi na ako’y makasalanan din, na nangangailangan ng iyong habag at awa.  Amen.