Daughters of Saint Paul

ENERO 16, 2022 – IKALAWANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (K) | Kapistahan ng Banal na Sanggol o Santo Nino

Pit Senor!  Maligayang Kapistahan ng Santo Nino sa ating lahat.  Nais ko pong batiin ng Happy Fiesta ang mga lugar at parokyang ang Mahal na Sto. Nino, ang pinipintakasing patron.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang pagpunta ng Banal na mag-anak sa Jerusalem para sa Piyesta ng Paskuwa, sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata dalawa, talata apatnapu’t isa hanggang limampuu’t dalawa. 

EBANGHELYO: Lk 2:41-52

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap  ang bata sa nga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at sa mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanyang ina: ”Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa ang ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanya: “ At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi nila sa kanila. Kaya  bumaba siyang kasama nila  pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin s kanila. Iningatan naman ng kanyng ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahang-loob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sapagkat Diyos at tao si Hesus, naging bata rin siya at nakilala ang kagandahan at kalupitan ng mundo sa pamamagitan ng kanyang mga magulang at mga taong nakapaligid sa kanya. Natutunan niya ang magmalasakit, magsikap, magmahal, at higit sa lahat ang maging tapat sa Diyos. Kilala natin kung anong klaseng mga magulang si Maria at Jose—narinig natin sa mga Pagbasa noong paghahanda natin sa Pasko kung gaano sila katapat at bukas-loob sa kalooban ng Diyos. Lumaki ang batang Hesus ng may karunungan. At ang karunungang ito ang siyang nagbukas sa mata ni Hesus sa kanyang bokasyon bilang ating Tagapagligtas.  Mga kapatid, bawat isa sa atin ay may bokasyong dapat nating matanto, at matutunang tupdin ng buong tapat at puso. Hindi dapat natin iisang-tabi ang kahalagahan ng mga taong nakapaligid sa atin, gayun din ang mga masasaya at malulungkot nating karanasan sa buhay. Bakit? Dahil ang lahat ng yan ang bumubuo sa ating pagkatao. Dapat tayong manitiling may pusong bata—bukas loob na natututo araw-araw. Hindi tayo aasenso kung pakiramdam natin ay alam na natin ang lahat at hindi na natin kailangan ang tulong ng iba. Tandaan natin na ang buhay ay isang paglalakbay, at bawat hakbang ay panibagong aral sa buhay. 

PANALANGIN

Ikaw ang aming gabay, Ama naming mapagkalinga. Tulutan mo kaming matutunan ang kahalagahan ng bawat isa at maging bukas ang aming puso sa bawat daan na aming tatahakin. Amen.