Daughters of Saint Paul

ENERO 19, 2022 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo!  Sumaatin nawa ang kapayapaan ng puso at isip na nagmumula sa Panginoon!  Itaas natin sa Kanya ang ating taos pusong pasasalamat sa hiram nating buhay, at sa pagpanibago ng ating pag-asang harapin ang araw na ito nang may lubos na pagtitiwala.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa isang lalaki sa Araw ng Pamamahinga, sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata tatlo, talata isa hanggan anim.

EBANGHELYO: Mk 3:1-6

Pumasok si Jesus sa sinagoga, at naroon ang isang lalaki na hindi maigalaw ang kamay, at gusto rin ng ilan na isumbong si Jesus.  Kaya nagmasid sila at baka pagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pahinga. At sinabi naman niya s taong hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka sa gitna.”  At saka niya sila tinanong: “Ano ang pinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” At hindi sila umimik. Kaya tiningnan niya silang lahat, na nagagalit at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso, at sinabi sa lalaki: “lunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng tao ang kamay at gumaling ito. Pagkalabas ng mga Pariseo, nakipagtipon sila sa mga kakampi ni Herodes para masiraan nila siya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapatid, bakit ka ba pumapasok sa Simbahan? Pagdarasal ba talaga ang dahilan o baka naman pagkalap ng tsismis at pagmasid sa mga taong pumapasok? Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon, na nasa sinagoga ang mga Pariseo upang  magmatyag upang makakuha ng ebidensya laban kay Hesus. Sa loob ng bahay-dalanginan, bumubuo sila ng masamang plano laban sa Anak ng Diyos. Nakakapangilabot! Alam ito ni Hesus kaya nabakas sa kanyang mukha ang galit at lungkot dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Nasaksihan na nila ang mga kabutihang ginawa Niya, pero nanatili silang bulag sa katotohanang nakatambad sa kanilang harapan. Nasa Banal na lugar pero nag-iisip ng masama sa kapwa. Come to think of it, minsan ganito rin tayo. Pumasok sa simbahan upang magdasal pero dahil sa distraction, naging masama ang iniisip. Yong tipong sa halip na magdasal, nabaling ang paningin sa mga nakakainis na ginagawa ng mga tao sa ating paligid o kaya sa mga kapansin-pansin na kasuotan ng mga pumapasok sa simbahan. O kaya habang naghohomily ang pari, iniisip mo na kung ano ang mga bibilhin mo sa palengke pagkatapos ng misa. In a way, lahat naman siguro tayo ay nakakaranas din ng distractions in our prayer. Kaya pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita ngayon na ituon ang ating isipan sa mga kabutihan sa atin ng Diyos. Hangad Nya na makasama tayo sa kanyang kaharian. Nakakalungkot lang dahil may mga tao talagang kahit nasa harapan na nila ang katotohanan, higit pa rin nilang pinipili ang mabuhay sa kasinungalingan.   Mga kapatid, ang ating katawan ay temple of the Holy Spirit. Kung papasok kaya si Hesus sa ating temple, ano naman kaya ang kanyang mararamdaman? Sana hindi galit kundi galak, dahil madadatnan nya itong malinis at bukas sa pagtanggap sa kanya.

PANALANGIN

Panginoon, patawarin Nyo po kami sa mga panahong nag-isip din kami ng masama sa aming kapwa. Buksan Nyo po ang aming isip at puso sa wastong pagkilatis ng iyong kagandahang-loob sa amin. Amen.