MARCOS 1:21-28
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka't lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
PAGNINILAY
Mga kapanalig, kapansin-pansin sa kasalukuyan, na matindi ang digmaang-espirituwal – ang kabutihan laban sa puwersa ng kasamaan. Buhay ang mga demonyo sa paligid natin, katulad din noong panahon ni Jesus. Gusto nilang manirahan sa ating kalooban kapalit ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin. Inggit na inggit ang demonyo sa tuwing masaya tayo at mapayapa ang kalooban, dahil sa ating pananampalataya sa Diyos. Kaya gagawa at gagawa sila ng paraan para inisin tayo, maibagsak at mawalan ng pag-asa. Pansinin natin ang kakaibang lakas ng taong napagharian na ng demonyo. Marahas siya. Pasigaw at galit magsalita at walang nakikitang maganda sa mga tao, sa sitwasyon at sa mga bagay sa kanyang paligid. Puro negatibo ang namumutawi sa kanyang bibig. Miserable ang kanyang buhay at halatang-halata na kinamumuhian niya ang Diyos. Tayo, bilang Kristiyano, meron tayong makapangyarihang armas para paglabanan ang demonyo. Ito ang banal na Pangalan ng Panginoong Jesus. Di ba sinabi Niya na: “sa Ngalan ko, mapapalayas ninyo ang demonyo”. Magagawa rin natin ito sa pananalangin at pag-aayuno. Kapag nasa grasya tayo ng Panginoon – alukin man tayo ng suhol para manahimik sa gitna ng umiiral na katiwalian, tuksuhin man tayong mandaya at magsinungaling, akayin man tayo sa bisyo at gawaing masama – hindi tayo agad-agad na bibigay sa masasamang gawaing ito, dahil pinalalakas tayo ng Banal na Espiritung nananahan sa atin. Kaya kung dalisay ang puso natin sa pagdarasal at pag-aayuno, kung kikilalalanin natin ang Banal na Espiritu na nananahan sa ating puso, di tayo kayang gapiin ng masama, dahil ang Banal na Espiritu mismo ang magtatanggol sa atin. Panginoon, papagningasin Mo po ang apoy ng Banal na Espiritu sa aking puso nang mapagtagumpayan ko ang puwersa ng masama. Amen.