Daughters of Saint Paul

Hulyo 06, 2017 HUWEBES sa Ika-13 Linggo ng Taon / Santa Maria Goretti, dalaga at martir

Gen 22:1b-19 – Slm 115 – Mt 9:1-8

Mt 9:1-8

Sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang Makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”  

Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi.

Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa tanang mga himalang ginawa ng Panginoong Jesus, kinailangan ang pananampalataya ng lumalapit sa Kanya.  Ayaw ng Panginoon na ipilit ang Kanyang biyaya sa atin, kung ayaw natin.  Bilang isang dakilang Manggagamot, gustong pagalingin ng Panginoong Jesus ang sanhi ng lahat ng kasamaan: ang pagkakasala.  Pagkakasala ang kadalasang nagiging sanhi ng ating pagkakasakit.  Halimbawa, ang mamuhay sa galit at kawalan ng kapatawaran; ang mamuhay sa inggit na nagiging dahilan para manira ng kapwa; ang kawalan ng pag-asa at pagmumukmok.  Ayon sa mga pag-aaral, ang stressful na pamumuhay, pagkimkim ng galit sa dibdib, at kawalan ng pag-asa ang karaniwang nagreresulta sa pagkakasakit sa puso o pagkakaroon ng Cancer.  Dagdag pa d’yan ang mga bisyong kinahuhumalingan ng marami tulad ng sigarilyo, alak at babae na nagdudulot ng sakit.  Kaya, kung tayo man nagkasakit, huwag nating sisisihin ang Diyos.   Sa halip, suriin natin ang istilo ng ating pamumuhay.  Tayo ba’y may bisyo?  Inaabuso ba natin ang ating katawan sa pagtatrabaho?  Todo kayod para kumita ng pera at hindi na nagpapahinga?  Walang disiplina sa pagkain, kumakain kahit ipinagbabawal ng doctor?  At higit sa lahat namumuhay na puno ng galit sa puso?   Mga kapatid, kung isa man tayo sa mga taong nabanggit, tayo ang mga paralitiko sa kasalukuyang panahon.  Kailangan natin ng kagalingang espiritwal at pisikal na nagmumula sa Panginoon.  Lumapit tayo sa Sakramento ng Pakikipagkasundo.  Ikumpisal natin ang ating kasalanan.  Manalig tayo na kapag malinis na ang ating budhi, isusunod ng Panginoon ang ating kagalingang pisikal.