Daughters of Saint Paul

Hulyo 07, 2017 BIYERNES sa Ika-13 Linggo ng Taon / Santa Edelburga

Gen 23:1-4, 19; 24:1-8, 62-67 – Slm 106 – Mt 9:9-13

Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito:  “Sumunod ka sa akin.”  At tumayo si Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad:  “Bakit kumakaing kasalo ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”

            Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya:  “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng  ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’  Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, para sa isang taong tulad ni Mateo na nasanay sa buhay na tiwali, tila napakahirap tumugon sa paanyaya ng Panginoon na sumunod sa Kanya.  Marahil ‘yan din ang saloobin ng ilan nating mga kababayan na namumuhay sa katiwalian; kumikita ng limpak-limpak na salapi sa maling paraan.  Walang pakialam sa mga taong naaapektuhan ng maling kalakaran; basta’t sila’y namumuhay nang maginhawa at nabibili ang lahat ng maibigan.  Totoong mahirap talikuran ang pera na nakapagbibigay ng buhay na maginhawa at marangya.  Pero hindi ito imposible kung determinado tayong baguhin ang maling nakagawian, sa tulong ng Diyos.  Katulad ni Mateo, na iniwan ang dating hanapbuhay para sumunod sa Panginoon.  Sa panahon natin ngayon, nakakalungkot na maraming tao ang namumuhay sa katiwalian pero waring hindi nila ikinahihiya ang kanilang pamumuhay.  Nakasanayan na nila ang mandaya at magsinungaling.  Binubulag sila ng magandang pagtanggap ng mga tao, ng paglapit ng mga humihingi ng kanilang tulong, at ng paanyayang sumapi sila sa iba’t ibang samahan.  Maraming magagandang nagagawa ang salapi sa kanilang buhay pero hindi nila naiisip ang maaaring kahinatnan nito.  Ganito rin ang naging karanasan ni Mateo.  Pero pinili niyang sumunod kay Jesus at talikuran ang dating buhay.  Pinili niya ang buhay na mahirap at simple, pero may kapanatagan ng loob at kapayapaan ng isip – mga bagay na hindi maibibigay ng pera, mga bagay na makakamit lamang sa pagsunod kay Jesus.  Panginoon, tulungan Mo po akong matularan si Mateo sa pagsunod Sa’yo.  Huwag nawang maging hadlang ang aking kahinaan sa pagtugon Sa’yong paanyaya.  Amen.