Daughters of Saint Paul

HULYO 11, 2021 – IKA -15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 6:7-13

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lamang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang kanilang pinagaling sa pagpapahid ng langis.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Oliver Mary Vergel Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Hindi ba’t mas masayang magtrabaho kung may kasama ka at kapwa kayo nagtutulungan para matapos ang isang gawain? Ganito ang klase ng komunidad ng mga disipulo ang nais mangyari ni Hesus.// Malakas ang temptasyon natin na magkanya-kanya, depende kung ano ang intensiyon o motibo natin sa buhay. Sa isang taong madamot at mapag-mataas, walang ibang magaling kundi siya, at walang ibang bagay na dapat makamit kundi ang pansarili niyang tagumpay. Kaya naman ang tendency ng taong maramot at mapagmataas, manlimas at manlimas ng mga materyal na bagay na magpapaligaya sa kanya at ibukod ang mga taong ayaw niya makasama. Pero sa ganitong klaseng tao, walang magpapakontento sa kanyang buhay kahit gaano pa karami ang tagumpay na kanyang makamit.// Mayroong tao naman na nagpapahalaga sa sarili niyang kakayahan at kakayahan ng iba—yung tipo ng tao na handang magpatulong at tumulong sa iba. Ang taong ito ay bukas ang isipan at bukas rin ang kamay na tumulong sa iba. Handang tumanggap ng pagkakamali ang isang taong bukas ang isipan at kamay dahil alam niyang ang totoong tagumpay ay nasusukat lamang sa kung gaano ba tayo nagmahal ng ating sarili at ng iba.// Ang kaganapan ng hangarin nating tagumpay ay ang Kaharian ng Diyos. Upang makamit natin ito kinakailangan natin ng kooperasyon at pagkakaisa, at hindi pagkakanya-kanya.// 

PANALANGIN

Ama, buksan mo ang aming puso at isipan upang makilala naming ng lubusan ang aming sarili at ang aming buhay kasama ang ibang tao. Amen.