Daughters of Saint Paul

HULYO 13, 2019 SABADO SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 10:24-33

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi higit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”   

PAGNINILAY:

Isinulat ni Cleric Ramon Rivera ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Mariing ipinapaalala sa atin ng mabuting balita ngayon, na hindi tayo nararapat mag-hangad ng kapangyarihan o kapurihan na parang tayo ang Panginoon. Kapag tayo’y naglilingkod, mahirap umiwas sa tukso ng paghahangad ng parangal. Lalo na kung maraming tao ang natutulungan sa ginagawa nating kabutihan o anumang paglilingkod na ginagampanan natin para sa Diyos at sa kapwa. May mga pagkakataon na sumasama ang loob natin kung hindi tayo pinarangalan, pinasalamatan o kinilala sa ating mabuting gawain. Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng Mabuting Balita, na huwag dapat mag-alala sa kawalan ng parangal para sa ating mga mabuting gawain. Dahil walang nakakalampas at walang hindi nalalaman ng ating Ama sa Langit.  Nalalaman Niya ang mga sakripisyo at taos pusong paglilingkod na ginagawa natin alang-alang sa pag-ibig natin sa Kanya. Siya ang gagawad sa atin ng gantimpalang higit pa, sa iniaalok ng mundo: ang buhay na walang hanggan.  Hayaan natin na tuksuhin tayo ng kung anumang maka-mundong bagay. Dahil kung tapat at malalim ang pananampalataya natin sa Ama, kusang maipapakita natin ito sa buhay na mayroon tayo dito sa mundo.