Daughters of Saint Paul

HULYO 14, 2019 IKA-15 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

 

EBANGHELYO: LUCAS 10:25-37  

May tumindig na isang guro nang Batas upang subukin si Jesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Jesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Jesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa kanyang sarili hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’” At sinabi ni Jesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya ni Jesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”

 

PAGNINILAY:

Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?  Mga kapatid, sino ba sa atin ang may katulad na katanungan sa buhay? Mahalaga ang katanungang ito para sa Guro ng Batas at pinahahalagahan ito ni Jesus.  Para sa mga saserdote ng templo, ang daan upang makamit ang buhay na walang hanggan, ang pagsunod sa utos ng paghahandog sa templo.  Mas marami at mas malaki ang handog, mas kinagigiliwan ng Diyos.  Para sa mga Pariseo naman, nararapat na sumunod sa lahat ng ipinag-uutos ni Moises at mga tradisyon ng kanilang relihiyon.  Pero para kay Jesus, maliwanag ang kasagutan:  Pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang susi sa buhay na walang hanggan.  Dalawang pagmamahal na di dapat paghiwalayin.  Kung mahal mo ang Diyos, mamahalin mo ang Kanyang nilikha.  At kung mahal mo ang nilikha, mamahalin mo ang Lumikha. 

 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong magmahal ng wagas Sa’yo at sa aking kapwa.  Puspusin Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang makatugon ako sa hamon ng Ebanghelyo, Amen.