Daughters of Saint Paul

HULYO 13, 2021 – MARTES SA IKA -15 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 11:20-24

Sinimulang tuligsain ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, nagsisi sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa ebanghelyo ngayon, ang babala ni Hesus sa mga Bayan na ayaw mag-sisi, mga bayan ng Chorazin, Betsaida at Capernaum. May dalang takot at pangamba, di po ba? Sa ating pinagdadaanang Covid 19 pandemic crisis, kaguluhan sa Israel, Myanmar at iba pang kaganapan, hindi kaya ito rin ang mensahe at babala sa ating lahat bilang bayan? Ang simbahan ay nananawagan ng pagdarasal at pagsisisi sa kasalanan/ at paghingi ng awa sa Diyos/ na mawakasan na ang mga ito lalo na ang pandemya. Mga kapatid, ang pagbabago at pagsisisi ay hindi mag uumpisa sa labas/ kundi sa bawat puso natin. Panalangin na hindi lamang pagbigkas ng salita, dapat kasama ang pagbabago ng ating puso at pananaw. Ang ating Panginoong Hesus ay nangaral sa mga lugar na pinuntahan niya, para magsisi at maniwala sa Diyos. Ang salita ng Diyos ay dapat nagbibigay sa atin ng pag asa, kaliwanagan at magliligtas sa atin sa kapahamakan. As we celebrate our 500 years of Christianity, are we living our faith well? Ang tunay na pananampalataya ay nag papabago sa ating buhay bilang tao at bansa. Ang mga pagpapala ng Diyos ay dapat magbigay daan sa akin at sa iyo na magsisi sa kasalanan, sundin ang kalooban ng Diyos at pagsumikapan na mamuhay sa kabanalan. Pinaaalahanan tayo ni Hesus na may kaakibat na kaparusahan sa mga ayaw magsisi. Ganun pa man ang ating Panginoon ay walang sawang ibinigay ang kanyang mabathalang awa sa mga taos pusong nagsisisi at nagbabalik loob sa kanya.  Kapatid, ano ang tugon mo sa panawagan ni Hesus?  

PANALANGIN

Diyos Ama sa langit, buksan mo ang aming mga puso at isipan nang makita namin kung ano ang mga kasalanang nakatago sa aming mga puso, na naghihalay sa amin sa iyong pag ibig. Turuan mo po kami maisabuhay ang aming pananampalataya ayon sa iyong kalooban sa pamamagitan ni HesuKristo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan, Amen.