Sinabi ni Jesus: "Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin n'yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin."
PAGNINILAY
Sa Matandang Tipan, tumutukoy ang "pamatok" sa mga alituntunin ni Yawe. Tumutukoy ito sa Batas na naglalayon ng kaayusan sa buhay. Dumating ang panahon na hindi naging madali sa mga Judio na sundin nang buong katapatan ang napakaraming Batas. Tila umiikot na lamang ang buhay nila sa mga batas na kung minsan, nagpapahirap na sa mga tao. Alalahanin natin na nilikha ang batas upang magkaroon ng kaayusan ang buhay ng tao. Nilikha ito upang pagsilbihan ang tao at hindi ang tao ang magsilbi sa batas. Kinakailangang baguhin ang anumang batas na nagpapagulo at nakapagpapahamak sa tao. Halimbawa ang batas ng kalinisan ng mga Judio na huwag makihalubilo sa mga makasalanan o huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain sa araw ng Pahinga. Pinabulaanan lahat ito ng Panginoong Jesus! Dahil Siya mismo'y nakipagkaibigan sa mga makasalanan upang maging daan ito ng kanilang pagbabago. At nagpagaling rin Siya ng mga maysakit sa araw ng Pahinga. Mga kapatid, pag-ibig ang tunay na diwa at kaganapan ng batas. Kaya anumang gawaing napakabigat, kung lalakipan natin ng pag-ibig at mabuting intensiyon ang pagsakatuparan nito – tiyak na gagaan ang ating mga pasanin. Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang matuto tayong lakipan ng pag-ibig ang anumang mabigat na pasanin dinaranas natin ngayon. Panginoon, dama ko ang hirap ng buhay. Mula sa aking pag-gising hanggang sa aking pagtulog nararamdaman ko ang bigat ng problema. Minsan, nawawalan na po ako ng pag-asa. Pero, hindi ako dapat malumbay o mangamba dahil nananalig akong handa kang pagaanin ang aking pasanin. Naririto ako, Panginoon, tumatawag at dumadalangin. Ako nawa'y iyong kalingain. Amen