Daughters of Saint Paul

Hulyo 15, 2016 BIYERNES Ika-15 na Linggo sa Karaniwang Panahon San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan

Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin 'yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: "Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!" Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi n'yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n'yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito'y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n'yong talaga ang salitang ito, 'Awa ang gusto ko, hindi handog,' hindi n'yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa'y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga."

PAGNINILAY

Mga utos. Mga batas. Mga alituntunin… Sadyang napakarami nating mga salitang dapat sundin! Kahit na minsan, alam nating tila natatakpan na ng mga batas na ito ang pinaka-puso at diwa ng pagmamahal natin sa Diyos. Araw ng Sabbath, ng Pagpapahinga, habang naglalakad si Jesus at ang Kanyang mga alagad sa bukid, dala ng gutom na nadarama, may mga pumitas ng mga butil ng trigo at sinimulan nila itong kainin. Biglang nanghimasok ang mga Pariseo at sinabing labag sa kautusan ang ginawang ito ng mga alagad ni Jesus. Katawa-tawa ang naging reaksyon ng mga Pariseo. Pero, di kaya tayo ganun din, kapag nakita natin ang ibang lumalabag sa sinasabing mga utos ng Diyos? Hindi ganyan ang tamang pagdarasal. Hindi ganyan ang tamang paraan ng pagbabasa ng Banal na Kasulatan. Hindi dapat ganyan ang iyong pakikitungo sa mga alagad ng Simbahan. Hindi ba't kay dami rin nating ginawang mga batas na madalas nagsisilbi lamang balakid sa tunay na pananampalataya! Kapatid, tanungin mo ang iyong sarili. Ano nga ba ang higit na mahalaga para sa akin-ang masusi na pagsunod sa mga batas na ito o ang pagtuklas sa puso ng mga batas na ito? Bakit ba ako nagsisimba, nagdarasal? Dahil ba ito sa takot o dahil sa pagmamahal ko sa Diyos? Kay gandang pagnilayan nang mga katanungang ito.