Daughters of Saint Paul

Hulyo 16, 2016 SABADO Ika-15 na Linggo sa Karaniwang Panahon Birheng Maria ng Carmel

Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Jesus. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: "Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa."

PAGNINILAY

Sa ebanghelyong ating narinig, kapansin-pansin na habang lumilipas ang mga araw, lalo namang tumitindi ang pagkamuhi ng mga Pariseo kay Jesus. At sa araw ngang ito, narinig natin na ganap na ang pagkilos nila upang mapatay si Jesus. Pero, kahit batid ni Jesus ang banta sa kanyang buhay, patuloy pa rin siya sa pagpapagaling ng mga taong sumusunod sa Kanya. Hindi niya alintana na sa anumang sandali maaari siyang ipadakip at paratangan ng kung anu-anong kasinungalingan. Marahil itatanong n'yo: saan ba nagmumula ang Kanyang pananalig at katatagan ng loob? Mga kapatid, ang Espiritu na nagmumula sa Ama ang siyang nagpapatatag sa Kanya. Buo ang Kanyang kaloobang tuparin ang misyong ipinagkaloob sa Kanya ng Ama. Kaya hindi sapat ang pagbabanta ng iba upang itigil niya ang pagpapahayag ng Mabuting Balita at ang pagpapalaganap ng biyaya ng Ama. Sa ating personal na buhay, ano ang reaksyon natin sa tuwing pinupuna o hinuhusgahan ang ating intensiyon sa paggawa ng mabuti. Sa tuwing mas nakikita ng mga tao sa paligid natin ang ating pagkukulang kaysa sa ating kabutihan? Panghihinaan na ba tayo ng loob at titigil na sa paggawa ng mabuti? Mga kapatid, katulad ng Panginoong Jesus, kinasihan rin tayo nang Espiritung Banal upang palakasin tayo sa gitna ng mga pagsubok, pagtuligsa at pagtakwil na ating nararanasan, sa tuwing naninindigan tayo sa kabutihan. Hingin natin ang biyayang, maging matatag tayo sa ating pananampalataya. Nang huwag tayong manghinawang gumawa ng mabuti, sa gitna ng kawalan ng pagkilala at pagtanggap ng mabuti nating gawain.