Daughters of Saint Paul

Hulyo 14, 2017 BIYERNES sa Ika-14 na Linggo ng Taon / San Camilo de Lellis, pari

Gen 46:1-7, 28-30 – Slm 37 – Mt 10:16-23

Mt 10:16-23

Sinabi ni Jesus sa Labindalawa:  “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.

            “Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo.

            “Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas.

            “Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago n’yo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”

PAGNINILAY

Ang Ebanghelyong ating narinig puno ng babala tungkol sa daranasin ng mga alagad sa pagsunod sa Panginoon.  Kung paanong nakibahagi ang mga alagad sa gawain at kapangyarihan ni Jesus, gayundin, makararanas sila ng panlalait, pag-uusig at pagdurusa tulad ng naranasan ni Jesus.  Di nga ba’t magpahanggang ngayon, patuloy na nakararanas ng pag-uusig ang mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na sa Gitnang Silangan?  Maging sa ating bansa.  Gayunpaman, hindi nila dapat alalahanin ang kanilang sasabihin kung sila’y lantarang uusigin.  Dahil nakatitiyak sila sa tulong ni Jesus. Bilang tagapagpahayag, pagkakalooban sila ng Diyos ng mga salita na kanilang sasabihin upang ipaliwanag at ipagtanggol ang pananampalataya.  Mga kapatid, tayo ang mga alagad ng Panginoon sa kasalukuyang panahon.  Tayo ang tinatawagang manindigan laban sa umiiral na kasamaan sa ating mundo.  Sa kulturang pinangingibabawan ng kaisipang “Why not do it? Everybody is doing it, anyway” matindi ang pangangailangan ng mga Kristiyanong buong lakas-loob na maninindigan laban sa kultura ng kamatayan, sistema ng korupsiyon, imoralidad, kawalan ng katarungan at kawalan ng pagpapahalaga sa kalikasan.  Hindi natin ito kayang gawin sa ganang atin lang.  Kailangan natin ang lakas at tapang na nagmumula sa Banal na Espiritu.  Hayaan natin Siyang kumilos at magsalita sa pamamagitan natin.  Manalangin tayo.  O Banal na Espiritu ng Diyos, gamitin Mo po ako ayon Sa’yong layunin… manahan po kayo sa aking puso at isip nang mapanindigan ko ang aking pagiging Kristiyano sa kabila ng mga pagsalungat at pag-uusig na aking mararanasan sa pagsunod Sa’yo.  Amen.